“Sa puso ng daigdig na ito, patuloy na nananahan ang Panginoon ng buhay na umiibig sa atin nang lubos. Hindi niya tayo pababayaan, hindi tayo iiwanang mag-isa, sapagkat pinagkaisa na niyang ganap ang kanyang sarili sa ating daigdig, at ang kanyang pag-ibig ang palagiang mag-aakay sa atin sa pagtagpo ng mga bagong landas. Purihin siya!” (Laudato Si, 245)
Ang ating bansa ay biniyayaan ng Diyos ng masaganang likas yaman, lalo na ang tubig, subalit sa maraming dahilan, kung kaya’t sa kasalukuyan ay kita at dama natin ang realidad na kailangan tayong matuto sa wastong paggamit at pangangasiwa ng tubig para sa susunod na mga henerasyon.
Pagkatapos mapakinggan ang malakas na pagtutol sa pagtatayo ng proyektong New Centennial Water Source Kaliwa Dam, ipinahahayag din namin ang aming matinding pagtutol sa nasabing proyekto at may paninindigan naming iminumungkahi ang paghahanap ng alternatibong mapagkukunan ng tubig batay sa mga sumusunod:
- Palulubugin nito ang lupang ninuno ng mga Dumagat-Remontados, palalayasin sila mula sa Sierra Madre kung saan nabuhay ng daan-daang taon ang kanilang mga ninuno ng may maayos at mahigpit na ugnayan sa kalikasan tulad ng mga anak sa kanilang ina. Hindi maipagkakaila na hanggang ngayon ang mga katutubo ay hindi nagbigay ng FPIC (Free Prior and Informed Consent) sa proyektong Kaliwa Dam ayon sa hinhingi ng R.A. 8371.
- Ang pagtatayo ng Kaliwa Dam sa ibabaw ng Infanta Fault ay katumbas ng “isang tabak na nakaumang sa ulo” ng 100,000 taong nakatira sa baybay ng Kaliwa River. Nakakintal pa sa kanilang alaala ang 2004 flash flood na kumitil sa 1,000 buhay at sumira sa milyon- milyong halaga ng ari-arian.
- Ang Climate change o pagbabago ng klima at ang masamang epekto nito ay hindi maaring ipagwalang bahala, ngunit wala pa tayong alam na ginawang pag-aaral tungkol sa ugnayan ng pagbabago ng klima at kaliwa Dam. Ang hindi maipaliwanag na mabilis na pagbabago ng klima ay maaaring magdulot ng hindi inaasahan at biglaang pagbaha. Kahit ang bansang Japan, na nangunguna at maunlad sa larangan ng teknolohiya ay hindi nakaligtas at winasak ng lindol noong 2011. Ang nangyaring malaking sakuna ng pagguho ng dam sa Laos noong Hulyo 25, 2018 ay isang babala para sa lahat.
- Ang pag-init ng mundo ay nasa 0.8 centigrado noong sinalanta tayo ng Yolanda na may dalang hangin na ang bilis ay 315 kph. Sa taong ito, umabot na tayo sa 1 centigrado, ngayon, Gaano karaming tubig ulan ang kayang pigilin ng dam kapag sumapit ang isa pang Yolanda sa QUEZON? O mga landslides o pagtabag ng lupa?
- Itinatago ng NEDA ang mga datos tungkol sa Kaliwa dam at sinasabing“Confidential” kahit batid ng madla na may EO No. 2, 2016 o mas kilalang Freedom of Information.
- Ang proyektong ito na konektado sa Laiban dam ay may 30 taon ng nakaantabay, subalit hanggang ngayon ay wala pa rin ang mga kinakailangang Environment Compliance Certificate o katibayan ng pagsunod sa batas sa Kalikasan na inuutos ng R.A. 7586.
Noong taong 2000, ang World Commission on Dams na inatasan ng World Bank at ng World Conservation Union ay nag-ulat na “bagama’t ang mga dam ay mayroong naging mahalaga at makabuluhang ambag sa kaunlarang pantao, at nagdala ng maraming benepisyo . . . maraming pagkakataon rin na hindi katanggap-tanggap at hindi sulit ang kabayaran para matamo ang mga benepisyong ito na hindi talaga para sa kapakinabangang panlipunan at pangkalikasan, lalo na ng mga taong nawalan ng tirahan, ng mga sambayanan sa baybay-ilog, ng mga nagbabayad ng buwis, at ng mismong kalikasan.
Ang Angat at IPO dams ay naghahatid sa Maynila ng 4,000 MLD ng tubig. Subalit ang malaking porsyento nito ay nasasayang dahil sa mga tumatagas na tubig mula sa mga sirang tubo at gripo. Ang 18 billion na budget para sa pagtatayo ng Kaliwa dam ay maaring gamitin para sa mga alternatibong pagkukunan ng tubig, na itinataguyod at ipinaglalaban ngayon:
- Maglunsad ng malawakang kampanya ng paghubog at pagkumbinsi sa13 milliong residente ng Kamaynilaan sa wastong paggamit at pangangasiwa ng tubig. Malaki at mahalaga ang maibabawas nito sa konsumo ng tubig. Maaring ito ay masamang balita para sa negosyo subalit para sa higit na ikabubuti ng kapaligiran.
- Ipunin at pakinabangan ang tubig ulan na sanhi ng taunang pagbaha at ipatupad ang nauukol sa probisyon ng National Building Code of the Phils. (RA1096)
- Madaliin ang pagsasaayos ng mga tumatagas na tubig mula sa mga sirang tubo upang maiwasan ang NRW (non-revenue water.
- Isaayos ang Pasig-Laguna River basin na nagkakahalaga lamang ng 13 billion (ayon sa pagkalkula ni Dr. Esteban Godilano, isang environmental scientist)
- Tularan ang pamamaraan ng Singapore New Water Technology, kung saan ang tubig na dumadaloy mula sa imburnal ay pinadadaan sa proseso ng paglilinis upang maging malinis at kapakipakinabang.
- Higit sa lahat, pangalagaan at palawakin ang unti unting nauubos na kagubatan na nagsisilbing pinakamalawak na water shed na muli’t muling pumupuno sa ating mga naiigang imbakan ng tubig sa ilalim ng lupa na naghahatid sa atin ng malinis na tubig.