DIOCESE OF BALANGA
PASTORAL LETTER REGARDING POWER PLANTS IN BATAAN
Magmula noong December 8, 2015 hanggang December 8, 2016, sa utos ni Papa Francisco, ipinagdiwang natin ang Dakilang Hubileo na tinawag nating “TAON NG AWA.” Sa kalatas na Misericordiae Vultus (Bull of Indiction of the Extra Ordinary Jubilee of Mercy), binigyan diin ng Papa ang dakilang larawan ng Diyos Ama bilang isang mahabagin. At ang pagiging mahabagin na ito ng Diyos Ama ang isa sa masasalamin natin sa buong ministeryo ng ating Panginoong Hesukristo. Yayamang ang isa sa mga hamunin ng pagdiriwang ng Taon ng Awa ay ang panawagan sa simbahan na maging “presensiya at patotoo ng Awa ng Diyos sa Mundo” (Misericordiae Vultus, 22. ), niloob ng mga organizers ng World Apostolic Congress on Mercy (WACOM, 2017) na talakayin sa huling araw ng nasabing kongreso, ang paksa na mayroong kinalaman sa kalikasan. Ang huling araw na ito ay ginanap sa ating Diyosesis noong Enero 21, 2017 na may paksang , “Preserve and Cultivate the Land; Clean the Air; Conserve the Water.”
Ano ang kinalaman ng paksang ito sa ating pagsusumikap na maging anyo ng pagiging mahabagin ng Diyos? Sa kanyang liham Ensilikal Laudato Si, sinabi ng Papa na ang mga nilalang ng Diyos ay
“nanawagan sa atin ukol sa kapahamakang idinulot sa kanya ng ating iresponsableng paggamit at pag-aaksaya sa mga yamang ipinagkaloob sa kanya ng Diyos. Itinuring natin ang ating mga sarili bilang mga may-ari at panginoon na may karapatang abusuhin siya. Ang karahasan sa ating mga pusong sinugatan ng kasalanan ay masasalamin sa mga sintomas ng karamdaman na makikita sa lupa, sa tubig, sa hangin at sa lahat ng may buhay. Dahil dito, kasama ang lahat ng kawawang pinabayaan natin at pinahirapan, pinagpasan at nilapastangan, ang lupa ay ‘dumaraing dahil sa matinding hirap tulad ng isang nanganganak’.” (Laudato Si, 2.).
Sa maikling salita, gustong sabihin ng Papa Francisco sa ating lahat, ang daigdig sa kaniyang kasalukuyang kalagayan ay nanghihingi ng awa. At ang mga taong naapektuhan sa negatibong pamamaraan bunga ng pang-aabuso sa kalikasan ay nanghihingi rin ng awa. Ang awa ay kanilang hinihingi mula sa mga taong nag aastang Panginoon ng kalikasan. Nangangahulugan, ang maawa sa kalikasan at sa mga taong naapektuhan bunga ng pagmamalabis sa kalikasan ay isang konkretong pamamaraan ng pagpapakita at pagpapadama ng awa ng Diyos.
Sa pagnanais na makapagbigay ng wastong pagtugon sa hamunin na bigay ng Misericordiae Vultus at ang panawagan ng Laudato Si at WACOM 2017, kami ay nagpasyang sumulat sa napapanahong liham pastoral na ito.
Sa aming pagliham sa inyo gusto naming ipamulat at ipanawagan ang mga sumusunod:
A. KALAGAYAN NG MUNDO SANG AYON KAY PAPA FRANCISCO
Kinikilala ng Santo Papa na malayo na ang narating ng sangkatauhan at ng daigdig. Mabilis ang pagbabagong nangyayari. Pero kasabay nito kaniyang binigyang diin ang ilang obserbasyon na hindi kanais nais at lubhang nakababahala. Una, ang bilis o tulin ng pagbabagong ito ay malayo sa likas na hinay ng ebolusyong biyolohikal. Pangalawa, ang mga nilalayon ng mabilis at tuloy-tuloy na pagbabago ay hindi palaging nakatuon sa ikabubuti ng lahat, at sa pang matagalan at pangkabuuang pag- unlad ng tao. At ang pangatlo, ang mabilis na pagbabago ay humahantong sa pagkasira ng daigdig at sa kalidad ng pamumuhay ng malaking bahagi ng sangkatauhan.
Mga nangyayari sa daigdig bunga ng mabilis na pagbabago
1. Polusyon
Sa mismong pagwiwika ng Santo Papa, kanyang sinabi,
“May mga anyo ng polusyon na nakakaapekto sa mga tao araw-araw. Nagdadala ng samu’t saring pinsala sa kalusugan, lalo ng mahihirap, ang pagkakababad sa mga dumi sa hangin na nagdudulot ng milyon-milyong maagang kamatayan. Nagkakasakit sila…’(Laudato Si, 20.)
Ang hangin na itinuturing nating napakahalaga sa pag-iral ng lahat ng humihinga ay padumi ng padumi. Ang hangin na pumapasok sa loob ng ating katawan ay lubhang nakababahala dahil ito ay nagbibigay ng panganib sa kalusugan at buhay ng tao. Kaya sa mismong pananalita ng Santo Papa ang polusyon ang siyang sanhi ng maagang kamatayan at pagkakasakit ng nakararami.
2. Pagbabago ng klima bunga ng tinatawag na Global Warming
Gamit ang matibay na pagkakasundo-sundo ng mga siyentipiko, binigyang diin ng Santo Papa na tayo ay
“nahaharap ngayon sa isang nakababahalang pag-init ng sistema ng klima. Sa mga huling dekada, ang pag-init na ito ay sinabayan ng patuloy na pagtaas ng nibel ng dagat at bukod pa rito, mahirap na hindi ito iugnay sa pagdami ng matitinding pagbabago sa panahon, higit pa sa maaaring ikabit sa isang sanhing matutukoy ng agham para sa bawat isang pangyayari.” (Laudato Si, 23.).
Sa maikling salita, ang global warming ay siyang nagiging dahilan kung bakit mayroong matinding pagbabago sa panahon. Dito sa ating bansa ito ay nararanasan na. Kapag panahon ng tag-init, katulad ng alam ninyo, mayroong bahagi sa ating bansa ang bukirin ay natutuyo bunga ng kawalan ng tubig. Marami tayong kababayan na ang kabuhayan ay nakasandig sa lupa ang hindi makapagtanim. At katulad ng inaasahan, marami sa kanila ang nakakaranas ng gutom. Kapag panahon naman ng tag-ulan, kapansin pansin ang maraming tubig na binubuhos. Bunga ng malalaking baha na nararanasan natin, may mga nawawalan ng buhay at maraming ari-arian (katulad ng mga tanim, bahay, mga alagang hayop) ang lumulubog at nasasayang. At ang panghuli, huwag nating kalilimutan na mayroon ding kinalaman ang Global Warming sa palakas ng palakas na mga bagyong dumaraan sa ating bansa.