Panalangin Kasama at Para sa mga Kabataan

(Panalangin Para Sa 2019 Taon Ng Mga Kabataan)

Diyos, aming Ama,

Kami ay natitipon bilang Simbahan, ang Katawan ni Kristo,
at sa pamamagitan ng Iyong Banal na Espiritu,
ipinapanalangin namin ang aming mga kabataan
sa Taon ng mga Kabataan.

Sa iyong dakilang awa, ipinadala mo si Jesus, ang Iyong Anak,
na lumaki bilang isang kabataan kasama ng mga kabataan,
naging halimbawa para sa mga kabataan,
at itinalaga ang mga kabataan sa Iyo.

Pakinggan ang aming mga kabataan
sa bawat sandali na ipinapahayag nila:

A: Kami ay MINAMAHAL.
B: Pinupuri ka namin sa iyong pagmamahal sa amin,
na nagliligtas sa amin at nagbibigay ng kahulugan sa aming buhay.

A: Kami ay BINIBIYAYAAN.
B: Nagagalak kami sa maraming biyaya na ipinagkakaloob mo sa amin, pinagyayaman kami at ang aming mga komunidad.

A: Kami ay BINIBIGYANG KAPANGYARIHAN.
B: Tinatanggap namin ang Iyong Espiritu,

Siya na nag-uudyok sa amin upang ibahagi ang Iyong pagmamahal at biyaya lalo na sa iba pang mga kabataan.
Sa panahong ito ng Taon ng mga Kabataan,
tulungan nawa ang mga kabataan ng aming bansa
na maranasan si Kristo na palaging tinitingnan kami ng may pag-ibig tulad ng ginawa Niya sa mayamang binata,
sa mga alagad sa daan patungong Emaus,
at sa mga naghahanap sa Inyong Kaharian.

Hubugin nawa kami sa pamamagitan ng Iyong Banal na Espiritu
na maging mga kapani-paniwalang gabay para sa aming mga kabataan, tulad ni Maria Magdalena, saksi at misyonera ng Pagkabuhay na Mag-uli, upang maging kasama sa MISYON:
malugod na ipinapahayag si Kristo na namatay at muling nabuhay.

Alagaan Mo kami at ang aming mga kabataan
sa pamamagitan ng Iyong Salita at Eukaristiya,
upang tuwina naming piliin ang maging nagbibigay-buhay,
lalo na sa mga dukha, naliligaw ng landas, at mga tumatanggap lamang ng mumo sa lahat ng bagay sa mundong ito.
Kasama ang aming mga kabataan,
nawa’y matularan namin ang halimbawa ng aming Inang Maria,
na ang OO sa Iyo, O Diyos, ay nagbigay daan sa katuparan ng iyong Banal na Kalooban.

Kami ay dumadalangin sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon.
Amen.
San Pedro Calungsod, patron ng mga kabataang Filipino.
Ipanalangin mo kami.

(Translated into Tagalog by Fr. Joselino B. Tuazon, St. Joseph Parish, 2671 Juan Luna St., Gagalangin, Tondo, 1013 Manila)

Comments are closed.