Del Pilar de Morong is in Morong, Bataan.
September 18
Isang lugar sa bayan ng Morong na nasa dulong bahagi ng ‘Bayandati’ o Brgy. Nagbalayong ang kilala sa tawag na ‘Pinagtaguang Poon’ o ‘Pulang Lupa’ sapagkat isa ito sa kinalagyan ng Mahal na Patrona noong panahon ng giyera kung saan isang nakapangingilabot na himala ang naganap.
Kasama ang angkan ng kanyang mga recamadero at ng katiwala sa lupa na siyang naging kanilang ‘guia’ ng patutunguhan ay hindi gawang birong karanasan ang kanilang sinapit. Nasundan sila ng mga sundalong Hapon kaya naman kinakailangan nilang huminto sa paglalakbay at humanap ng lugar na kanilang mapagtataguan. Isa sa kanilang mga kasama ay bagong panganak at karga ang isang sanggol. Umiiyak ang naturang ina dahil sa takot sa kung ano ang maaaring mangyari lalo pa’t kasama nila ang kanilang anak. Pinayuhan siya na kailangang iwan ang sanggol sapagkat kung marinig ng mga hapon ang pag-iyak nito ay matutunton ng mga ito ang kanilang kinaroroonan. Sa lugar na yaon ay may isang napakalaking puno na malabay ang mga sanga na kung tawagin nila ay ‘putol na buod’ kung saan maaaring magkasya ang tao. Doon nila itinago ang imahen ng Mahal na Patrona at saka sinakluban ng isang salakot. Sa hindi kalayuan ay doon naman sila nagtago kung saan ay mababantayan at maaaninagan pa rin nila ang Mahal na Birhen. Iniwan nila ang sanggol kasama ng Mahal na Birhen del Pilar. Maya-maya lamang ay pinagkalumpunan ng mga sundalong Hapon ang kinaroroonan ng birhen. Hindi maipaliwanag ang kanilang naramdamang nerbyos. Ngunit sa hindi maipaliwanag na pangyayari ay hindi napansin ng mga hapon ang birhen at ni hindi umiyak o nag-ingay man lang ang sanggol — payapa ito kasama ang Mahal na Ina doon sa puno. Sa pagtagal ay lumisan na din ang mga Hapon. Binalikan nila ang Mahal na Birhen del Pilar at sanggol at saka nagpatuloy sa kanilang landas kung saan sila ay magiging ligtas.
Buhay na buhay sa ala-ala na naisalaysay ni Bb. Julita Sulañgi ang hindi malilimutang mga kaganapan at himala kasama ang birhen. Tumugma din naman ito sa mga patotoo nina Gng. Salvadora Pizarro na ngayon ay mahigit 90 taong gulang na at ang kanyang kapatid na si Gng. Consuelo Del Rosario na kasama din nilang tumakas noong panahon ng digmaan.