Prayer that Brother Armin Luistro read at the Tindig Pilipinas first anniversary:
Diyos ko, Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan?
Paghagupit ni Ompong, nalimas ang kabayanan
Nilipad ang bubungan kasama ang kabuhayan.
Sa matinding ulan mula sa galit na langit
Dama namin ang kawalan, tila patay-gutom na paslit.
Inilibing sa tonetoneladang putik ang nangangatog na bahay
Kasama ang mga nahihimbing na ngayo’y mga bangkay.
Diyos na Makapangyarihan, dulutan mong kami’y muling bumangon
At huwag hayaang ang rumaragasang baha ang siyang sa ami’y lumamon.
Iadya Mo kami sa sakuna, magpakilala kang Diyos
Nagmamalasakit sa kanyang kawan, nagpapatahimik sa unos.
Diyos ko, Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan?
Sa aming pinagdadaanan kami’y nagmimistulang buang
Dalawampung libo’t higit pa ang pinaslang at tinokhang.
Ni walang naglalamay, dagdag lang sila sa bilang
Tinuturing na mga salot at mga walang pakinabang.
Sa mga kumakayod, bagong pahirap ang dinadanas
Kulang ang kabuhayan, nagmamahal pa ang bigas.
Saan magpapahinga, pati eskinita’y may bantay
Upang hindi madapuan ng pinaghihinalaang tambay?
Diyos ng Kasaysayan, ito nga ba ang aming kapalaran?
Natutulog ka pa ba at nagbibingi-bingihan?
Ang aming mga luha ay natuyo na’t naibsanKailan ka bababa mula sa kalangitan?
Diyos ko, Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan?
Kinikitil ang kalayaan nitong lupang hinirang At ang mga propeta ay iilan na lamang.
Si Senadora de Lima pinagbintangan, niyurakan
Si Senador Trillanes naman ang ngayo’y binabantaan.
Bawal nang bumatikos sa makapangyarihan
Kami raw ay salot at mga dilawan.
Dadalawa nga ba ang kulay ng Pilipino
Ipinagbabawal na nga ba ang pagsasabi ng totoo?
Diyos na buhay at ng Bayang Malaya
Ipadama mo ang ‘Yong lakas, huwag kang magparaya
Labanan natin ang paniniil, pagmumura at pandaraya
Tindig, Pilipinas! Ang Diyos mo’y ‘di nagpapabaya.
Siya nawa.