Tagapamuno: Manalangin tayo upang sa papalapit na pambansa at panglokal na halalan ay tunay na maghari ang kalooban ng Diyos, na Siyang gumagabay sa lahat ng bansa.
Sama-sama nating idalangin: Iligtas mo kami, Panginoon.
Mula sa pamimilit, pananakot, karahasan, at terorismo …
Mula sa panloloko, pagsisinungaling, at pagbaluktot sa katotohanan …
Mula sa panunuhol, kasakiman, at sabwatan upang makapandaya …
Mula sa kawalang-muwang sa panlilinlang at makitid na pananaw …
Mula sa pagbabanta, pananakot, at lapastangang pananalita …
Tagapamuno: Sama-sama nating idalangin: Dinggin Mo kami, Panginoon.
Upang ang aming budhi ang siyang gawing tunay na pamantayan …
Upang ang kabutihan ng nakararami ang aming pinakamataas na layunin …
Upang ang dignidad ng tao ay palagiang igalang …
Upang ang kapos-palad at mahihina ay pag-ukulan ng higit na pansin …
Upang ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi ipagwalang-bahala …
Upang ang pagkakaisa ay magbigay-daan sa landas ng kapayapaan at kaunlaran …
Upang ang banal na pagkatakot sa Diyos at pag-ibig sa kapwa ang maging gabay ng mga nagnanais manungkulan sa pamahalaan …
Tagapamuno: Manalangin tayo.
Lahat: Pastol ng aming kaluluwa at Tagapagligtas ng sanlibutan, ang pulitika ay Iyong kaloob sa amin; isang paanyaya upang maglingkod sa iba at lumago sa kabanalan. Gabayan Mo ang pulitika sa aming bansa katulad ng pag-gabay mo sa amin. Nawa ang aming pulitikal na pakikilahok para sa mga botante at kandidato ay magdulot ng kaluwalhatian sa Iyong mahal na ngalan at matulungan din kaming yumabong sa kabutihan, ngayon at magpasawalang hanggan. Amen