(Revised January 29, 2022)
Mahabagin at maawaing Ama,
inaamin namin ang aming mga kasalanan
at mapagpakumbabang dumudulog sa iyo
upang makatagpo ng pagpapatawad at buhay.
Nagsusumamo kami sa iyo
upang hilingin ang iyong patnubay
laban sa CoVid 19 na nagpapahirap sa marami at kumitil na ng mga buhay.
Tunghayan mo kami nang may pagmamahal
at ipagadya kami ng inyong mapaghilom na kamay
mula sa takot sa kamatayan at karamdaman.
Itaguyod mo kami sa pag-asa at patatagin sa pananampalataya.
Gabayan mo ang mga dalubhasang naatasan
na tumuklas ng mga lunas
at paraan upang ihinto ang paglaganap nito.
Pagpalain mo ang aming mga pagsisikap
na mawakasan ng mga nalinang na gamot
ang pandemya sa aming bayan.
Patnubayan mo ang mga lumilingap sa maysakit
upang ang kanilang pagkalinga ay malakipan ng husay at malasakit.
Pagkalooban mo sila ng kalusugan sa isip at katawan,
katatagan sa kanilang paninindigang maglingkod
at ipagsanggalang sa karamdaman.
Itinataas namin ang mga nagdurusa.
Makamtam nawa nila ang mabuting kalusugan.
Lingapin mo rin ang mga kumakalinga sa kanila.
Pagkamitin mo ng kapayapaang walang hanggan ang mga pumanaw na.
Pagkalooban mo kami ng biyaya
na magtulong tulong tungo sa ikabubuti ng lahat.
Pukawin sa amin ang pagmamalasakit sa mga nangangailangan.
Sa pagdamay at malasakit namin sa bawa’t isa,
malampasan nawa namin ang krisis na ito
at lumago sa kabanalan at pagbabalik loob sa iyo.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo
na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo,
Diyos, magpasawalang hangan. Amen.
Dumudulog kami sa iyong patnubay, Mahal na Ina ng Diyos.
Pakinggan mo ang aming mga kahilingan sa aming pangangailangan
at ipagadya mo kami sa lahat ng kasamaan,
maluwalhati at pinagpalang Birhen. Amen.
Mahal na Birhen, mapagpagaling sa maysakit, ipanalangin mo kami.
San Jose, ipanalangin mo kami.
San Rafael Arkanghel, ipanalangin mo kami.
San Roque, ipanalangin mo kami.
San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo kami.
San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.