Misyon bilang lay-missionary | Otto de Vries
Bilang isang lay-missionary mula sa Diocese ng Rotterdam sa Netherlands, dumating ako sa Pilipinas noong 1991 mula sa imbitasyon ni Bishop Labayen ng Prelature of Infanta. Naka-udyok sa akin ang apila ni Bishop na isabuhay ang Simbahan ng mga Dukha sa aking misyon na lumubog sa araw-araw na realidad ng mga manggagawa. Bilang kasapi ng Calama, sumapi ako sa kanilang grupo sa Pasig.
Sa higit sa 20 taon namuhay ako sa isang maralitang komunidad sa Lungsod ng Pasig. Ang karanasan ko sa hanay ng mga maralitang lungsod at uring manggagawang Pilipino ay nagmulat sa akin sa realidad ng kanilang kalagayan. Matapos makumpleto ang isang kurso sa Tagalog at kurso para sa mga welder, nagtrabaho ako bilang welder at bilang structural fitter sa unang 10 taon ng aking pamamalagi. Naranasan ko ang realidad na kinakaharap ng mga manggagawa na kumikita ng wala pa sa minimum na sahod, bilang isang kontraktwal na manggagawa sa ilalim ng isang kontrata na wala pang anim na buwan ang itatagal at walang kasiguradihan ng renewal. Sa loob ng tatlong taon ay nagtrabaho ako sa maintenance ng isang pagawaan ng bakal, una sa ilalim ng isang ahensiya, at kalaunan ay bilang direct hire. Nagtangka ang mga kapwa ko manggagawa na magtayo ng unyon ngunit nagsara ang pagawaan.
Nang matapos ko ang isang bokasyunal na kurso sa electricity sa Salesian brothers of Don Bosco sa Tondo noong 2000, nagtrabaho ako bilang electrician para sa iba’t-ibang subcontractor at noong 10 taon sa isang electrical na subcontractor sa mga malalaking construction project. Naranasan ko ang masaklap na kalagayan sa paggawa ng mga manggagawa sa construction. Nakakaligtaan ang mga batayang karapatan sa paggawa tulad ng minimum wage, security of tenure, ligtas na paggawa. Dagdag pa, ang kakulangan ng kagamitan ay lalong nagpapahirap sa trabaho at lalong nagiging mapanganib. Habang ibinabahagi namin sa isa’t-isa ang mga karanasan na iyon, nakumbinsi akong itala sa isang pananaliksik ang mga kalagayan sa paggawa sa iba’t-ibang subcontractor, laluna sa huling proyekto na pinagtrabahuhan ko. Kongkretong ipinakita ng pananaliksik ang lumalalang kalagayan sa paggawa sa kada antas ng subcontracting. Ilan sa mga kaibigan ko ang umudyok sa akin na ibahagi ang aking mga pagtingin sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research o EILER, bilang isang mahusay na research NGO na kilala ng maraming manggagawa at unyonista.
Sa kasabay na panahon, naging regular ang pagbisita ko sa isang piket ng mga kababaihang manggagawa ng kasuotan. Nakatulong ito para maunawaan ko ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga manggagawa at ang kanilang kolektibong pagkilos para makamit ang kanilang karapatan. Pinabayaan ng management ang lehitimong panawagan ng mga manggagawa at basta na lamang sinara ang pabrika. Sa pamamagitan ng paglubog sa mga manggagawa, naunawaan ko kung gaano ka lala ang pagsasamantala sa industriya ng kasuotan.
Dahil sa matibay na pagkakaisa ng mga manggagawa, tumagal ng isang dekada ang piket. May ilan sa mga manggagawa ang doon na mismo sa piket nagtayo ng pamilya. Dahil nakikabit sila para magkakuryente, nagkaroon ng ilaw sa piket at maaari na rin silang makapagluto. Bilang electrician, tumulong ako sa mga pagsasa-ayos. Nanalo sila sa kanilang kaso matapos ang 6 na taon, ngunit ni hindi sila binayaran kahit isang sentimo. Saka, ilang tangka ng mga awtoridad na binuwag ang piket, noong huling 2 taon iniwanan na lang ang toldang piket. Matapos ang pang-anim tangka na buwagin ang piket, nagpasya kaming iwan ito. Kaya bago umalis, kasama ang dalawang manggagawa ay nagsalo kami sa aming “huling hapunan” na kanin at sardinas.
Maka-ilang ulit ding binisita ang piket ng mga grupong simbahan na sumusuporta sa kanila at nagnanais na lalo pang maunawaan ang punto-de-bista ng mga manggagawa. Ang suporta ng mga lokal na parokya ay batay sa pananaw ng pari. Ang pari sa aking parokya, si Msgr Pagulayan, ay napakabukas at bumisita sa piket upang makipag-usap sa mga manggagawa para maunawaan ang kalagayan nila.
Tungo sa Simbahan ng mga Dukha
Napakahalaga para misyon na gawin ito bilang isang grupo, bilang Calama. Ibinahagi namin sa isa’t-isa ang mga naging karanasan at ini-ugnay ito sa salita ng Diyos, na nagpalalim sa pagganyak ng bawat isa. Madalas naming ibinabahagi ang aming karanasan kay Bishop Labayen para sa kanyang pastoral na patnubay, at nagpatuloy sa kaniyang mga kahalili: sina bishop Tirona at Bernard Cortez ng Prelature.
Pangunahing misyon naming sa Simbahan ay ang pormasyon ng mga seminarista at mga layko. Nag-aayos kami ng mga exposures para sa mga seminarista sa hanay ng mga manggagawa, kung saan, nang hindi inilalantad ang kanilang sarili bilang mga seminarista, ay nagaapply at nagtatrabaho bilang manggagawa, na nagmumulat sa kanila sa realidad ng kalagayan ng mga anak ng Diyos. Labis na napukaw si Father Joseph Buslon sa kaniyang paglubog sa mga manggagawa na ini-alay niya ang sarili sa pagtulong sa pagtatayo ng labor ministry matapos nitong maging pari. Kasama sa dedikasyon at panlipunang pagsisiyasat ng layko, nalaman ng diocese of Novaliches ang kalagayan ng mga manggagawa na naging batayan sa pagpapa-unlad ng labor ministry nito.
Noong 1987, ang Calama, sa ilalim ng gabay ni bishop Labayen, ay sumulat ng isang kontribusyon sa Synod sa Bokasyon at Misyon ng mga Layko. Sa kontribusyon na ito, binigyang diin ang tungkulin ng diakonia, ang paglilingkod ng simbahan sa lipunan bilang tungkulin ng layko ay sa pamamagitan ng pag-aambag sa pagtatayo ng lipunang makatarungan. Ang Social Teachings of the Church ay nagbibigay ng gabay sa kanilang pormasyon bilang layko. Dagdag pa, ang mga lokal, regional at pambansang forum ay naka-ambag sa pagbabahagi ng karanasan sa hanay ng mga layko. Naging bahagi ako ng mga pagtatangkang ito mula pa 2000. Bilang lay-group, ibinahagi namin ang aming karanasan sa lipunan at sa simbahan at pinalalim ang aming pag-unawa upang mailahad ang identidad at kontribusyon bilang layko.
Noong 2014, na-aksidente ako kung kaya hindi ko na maipapagpatuloy ang pagtatrabaho ko bilang electrician. Sa sumunod na taon, umugnay sa akin ang EILER sa batayan ng aking pananaliksik sa kalagayan sa paggawa ng mga subcontractor sa construction at inimbitahan ako na maging mananaliksik. Habang mas nakikilala ko ang EILER bilang isang institusyong ekumenikal para sa mga manggagawa, mas lalo akong nagkaroon ng pagpapahalaga sa ugnay ng Simabahan sa kilusang paggawa, at patuloy na isabuhay ang aking misyon sa hanay ng mga manggagawa. Nang maging parish priest si Father Ronald Macale ng St. Joseph Shrine kung saan nakapaloob ang EILER, ulit kaming nakipag-ugnayan katulad noon siya formator sa San Carlos seminary na nakipagsasa-ayos kami ng mga exposure para sa mga seminarista sa hanay ng mga manggagawa.
Matapos ang 30 taon, ang aking misyon ng pakiki-isa sa hanay ng mga manggagawa at pagtatayo ng Simabahan ng mga Dukha ay patitigil dahil sa kanselasyon ng aking visa. Inutusan akong umalis ng Pilipinas, na naging tahanan ko na sa loob ng 30 taon, dahil sa mga malisyosong bintang, at hindi man lang dumaan sa angkop na proseso. Taliwas sa mga akusasyon ng NICA, hindi gumagawa o sumusuporta sa teroristang mga gawain ang EILER o ako. Sa katunayan, naglilimbag ng mga pananaliksik at educational modules ang EILER batay sa katotohanan at kongkretong kalagayan ng mga manggagawa, at lumalaban para sa isang makatarungang lipunan. Isa lamang itong hakbang upang manakot sa mga lumalaban para sa batayang karapatan at panlipunang hustisya, at upang patigilin sila sa pakikibaka.
Magkaganun pa man, nagpapasalamat ako sa mga kapwa ko manggagawa, yaong mga nasa piketlayn, at sa maraming maralitang lungsod sa kanilang mga komunidad, na nagbahagi ng kanilang punto-de-bista at pakiki-isa sa akin. Itong pakiki-isa para sa hustisya at dignidad ng tao at pagpapakita din ng pagmamahal para sa kapatid ang motibasyon para magpatuloy ang pakikibaka para sa makatarungang lipunan. Sa huli, naging inspirasyon bilang pagpapakita ng presensya ng Banal na Espiritu sa hanay ng mahihirap para sa ating misyon na itayo ang Simbahan ng mga Dukha.
Avril 2021