Nakakalungkot at nakagagalit ang pagpirma ng presidente sa Anti-Terrorism Bill noong July 3. Pinakita niya ang kanyang pagkamanhid sa taong bayan na nananawagan na i-veto muna ang bill upang mas lalo itong mapag-usapan kasi ito ay minadaling pinasa ng walang sapat na pag-uusap at konsultasyon sa taong bayan.
Sa panahon natin ngayon mas may lumalala na kalagayan ng taong bayan na dapat tugunan: ang patuloy na paglaganap ng Covid 19 virus, ang kawalang ng trabaho ng maraming tao, ang malaking kakulangan sa transportasyon at lumalalang pagkagutom ng maraming tao. Ang Anti-terrorism Law ay hindi naman nakakatugon sa mga problemang ito. Ang mga problemang ito ang ugat ng terorismo. Kung hindi matutugunan ang mga ito patuloy ang pagiging diskontento ng mga tao at madali silang maakit ng mga grupo na naghahanap ng gulo sa lipunan.
Sa totoo lang ang Anti-terror Law ay hindi naman talaga laban sa mga terorista. Ito ay pampanakot sa mga tao na nakararanas ng kapalpakan ng pamahalaan sa pagtugon sa tawag ng taong bayan. Ang batas na ito ay madaling gamitin laban sa mga taong nananawagan ng pagbabago sa pamahalaan.
Dahil sa ang batas na ito ay hindi makatarungan, ito ay patuloy natin na pinagtututulan. Kaya nananawakan tayo sa Korte Suprema na suriin ng mabuti ang batas. Nananawagan tayo sa taong bayan na patuloy na maging mapagbantay kasi dahan dahan pinapakitid ang democratic space natin at ang mga karapatang pantao natin ay sinusupil, tulad ng karapating tumulong sa kapwa, karapatang magpahayag at karapatang ituring na walang sala bago mapatunayang gumawa ng masama.
Ang Kalayaan ang isang bagay na dapat panindigan at patuloy na ipaglaban. Ngayon nakikita nating ginagamit ang batas upang ang Kalayaan natin ay kunin sa atin.
Ibasura ang Anti-Terror Law!
Bishop Broderick Pabillo.
July 7, 2020