Pag-Alala at Pagpupugay sa mga Manggagawa

Ika-15 ng Mayo 2020

Mensahe sa Pag-Alala at Pagpupugay sa mga Manggagawa sa Ika-129 Taong Pagkakasulat ng Rerum Novarum (On the Conditions of Labor)

Ngayong araw, ika-15 ng Mayo, ay ginugunita ang ika-129 taong pagkakalathala ng RERUM NOVARUM (On the Conditions of Labor). Ang unang panlipunang turo ng simbahan na sinulat ni Pope Leo XIII na nagtalakay sa maigting na tunggalian ng kapital at manggagawa nung panahon ng Industrial Revolution. Ito ang unang social teaching na nagpahayag ang Simbahan ng pagkiling sa mga dukha, inaapi at pinagsasamantalahan (preferential option for the poor).

Noong 1890s, nakita ng Simbahan ang di makataong kalagayan at pang-aapi sa hanay ng mga manggagawa kaya’t iginiit nito ang mga kahalagahan ng dangal ng manggagawa; karapatan sa tamang pasahod; pag-uunyon at sama- samang pakikipagtawaran (collective bargaining agreement)

Sa paglipas ng panahon hanggang sa kasalukuyan, tumitindi ang kahirapan at kawalan ng maayos na hanapbuhay. Walang regular na trabaho; walang sapat na kita; walang benepisyo; mataas na presyo ng bilihin at serbisyo; di makataong kalagayan sa mga pagawaan. Kaakibat ng mga pahirap na ito ay ang laganap na kontraktwalisasyon; panahunang trabaho o seasonal work at mga home-based workers na mas lalong mababa ang kita at walang benepisyo. Ang mga ito ang dumadagdag sa paghihikahos ng mga manggagawa at kanilang pamilya. Kapitalista lamang ang umuunlad mula sa dugo at pawis ng mga manggagawa.

Sa panahon ng pandemyang COVID 19, higit na nalugmok sa kahirapan at kagutuman ang mga dukha. Dahil sa lockdown, maraming hanap-buhay ang natigil. Katulad ng mga arawang manggagawa na nawalan ng hanapbuhay at nakaranas ng matinding kagutuman kung kaya’t umasa sa tulong ng LGUs (local government units) na matagal ang dating at hindi sapat,

Ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ay hindi rin nakaligtas sa hagupit ng pandemya sa bansang kinaroroonan ngunit walang sapat na tulong mula sa mga kinatawan ng ating bansa. Karagdagan pa rin ang mga kababaihang nakakaranas ng karahasan sa loob ng tahanan mula sa asawa habang pasan ang paghahanap ng pagkukunan ng maayos na pagkain at pangangailangang medikal. Ngayon napagtanto ng mga tao lalo na sa mga mahihirap na komunidad sa lungsod at kanayunan na hindi lubos na maaasahan ang pamahalaan sa panahon ng krisis tulad ng pandemyang ito.

Nakakabahala ang mataas na bilang ng positibo sa COVID sa ating bansa at ang kaduda-dudang tugon ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH). Hindi sapat ang tugon o pamamahala ng gobyerno sa pandemyang ito. Militarisasyon ang iniharap sa kagutuman at pangangailangang medikal. Wala ring malinaw na programang inilahad sa muling pagbubukas ng ekonomiya lalo na sa mga manggagawang karamihan ay hindi alam kung may babalikan pang hanapbuhay sa mga susunod na araw. Kasama pa rito ang wala pa ring pangmalawakang impormasyon ukol sa COVID 19 lalo na sa mga komunidad at proteksyong pangkalusugan

Ngayon pinaplano ng unti-unting pagbuhay ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagbubukas ng kalakalan at pagawaan. Mga uring manggagawa ang mga mangunguna o frontlines sa balaking ito. Ngunit naka-amba ang nakababahalang sitwasyon na dahilan ng pagkatuliro ng karamihan. Ito ay maiibsan lamang kung may konkretong pananagutan ang pamahalaan sa pandemyang ito.

Ang Urban Missionaries (UM), bilang bahagi ng Simbahan, na nagtataguyod ng Church of the Poor, ay nagdadalamhati sa kalagayang ito ng mga mahihirap. Ang kalagayang ito ay nananatiling matinding hamon upang isakatuparan ang kanyang misyon. Bilang pagtalima sa turo ng Simbahan at pagtalima sa misyon ni Kristo, pinananawagan ng UM sa ating pamahalaan at sa lahat ng mamamayan ang mga sumusunod:

  • Siguruhin ang Balik-Trabahong Ligtas
  • Magkaloob ng ayudang sapat para sa lahat
  • Maglunsad ng libreng mass testing
  • Igalang ang karapatan ng mga manggagawa at mahihirap
  • Palakasin ang ating mga samahan upang makibahagi sa pagpapaunlad ng pamayanan
  • Makiisa sa mga proyektong pampamayanan tulad ng kaalaman upang maiwasan ang COVID infection
  • Maging mulat, mapagbantay, mapanuri at manindigan sa pagtatanggol ng ating mga kararapatan

Hangad at dalangin nating lahat ang agarang pagdiskubre sa bakuna laban sa COVID at nawa’y maipagkaoob ito ng libre o sa mababang halaga para sa mamamayan.

“Noble are the hands that work; Free the hands that toil”.

URBAN MISSIONARIES, 15 Mayo 2020

The Urban Missionaries was founded in 1977 by the Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) as an expression of solidarity with and commitment to the workers’ struggle for total human development.

Comments are closed.