Nananawagan ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas (Laiko) sa kapwa naming mga Katolikong mananampalataya na huwag nating pabayaan ang ating mga Parokya at mga gawain nito sa panahon ng pandemya at kuwarantin. Nasaksihan din po natin na kahit na walang koleksyon, nangunguna ang simbahan sa pagtulong sa mga nangangailangan, Katoliko man sila o hindi.
Sa nakalipas na walong linggo na walang mga Misa, hindi po tayo nagkaroon ng pagkakataong makapag-alay sa simbahan. Alam natin na ang lahat ng mga gawain at tungkulin sa ating mga Parokya at Diyosises ay nangangailangan ng ating tuloy-tuloy na pag-aambag. Hindi natin dapat makalimutan at mapabayaan ang mahalagang katungkulang ito.
Maari po bang tulad ng unang martir na si San Esteban, na binigyan nang katungkulang alagaan ang mga balo, ay maghanap din tayo ng mga Laykong tutulong sa pangangalaga ng pangangailangan ng ating simbahan? Maari din bang tulad ng mga unang Kristiyano, ay makita natin ang pangangailangan ng ating kapwa at itaguyod ang mga programa, ng ating Simbahan, para sa kanila?
Sa mga kapwa lingkod at lider ng mga Diocesan Councils of the Laity, National Lay Organizations at Parish Pastoral Councils- nananawagan po kami.
Humingi po kayo ng pahintulot sa inyong mga Obispo at Kura Paroko upang maipalaganap ang mensaheng ito. Manawagan tayo sa ating mga nasasakupan at pinag-lilingkurang kawan na tumulong. Turuan natin silang magpahatid ng mga alay at kontribyusyon sa regular (Monthly Church Support) na paraan. Magtalaga tayo ng mga Laykong magpapa-alala sa kanila at mga accounts (Banks, Pera Padala, Cebuana, GCASH) kung saan maari nilang ipadala ang mga ito.
Huwag po nating pabayaan ang ating simbahan!
Umaasa at nagpapasalamat po!
Pangulo
Sangguniang Laiko ng Pilipinas
May0 14, 2020