COVID-19 Advisory para sa mga Komunidad

Inihanda ng INAM Philippines (Integrative Medicine for Alternative Healthcare Systems [INAM] Philippines, Inc.

Ang bagong sakit po na COVID-19 ay naghatid sa atin ng maraming pangamba dahil sa lawak at lalim ng kanyang epekto sa ating kalusugan. At sa ating buhay, hanapbuhay, kabuhayan, pamumuhay, pakikipamuhay.

Nais po nating magbigay ng ilang pinakabagong kaalaman kung paano tayo makakaangkop sa kasalukuyang situwasyon. At upang maging ligtas tayo, ang ating pamilya, at ating komunidad. At ang ating bansa at maging buong mundo na rin.

Ang COVID-19 po ay isang bagong sakit at marami pang hindi tukoy tungkol dito. Mayroon po tayong impormasyon na makikita sa ating ADVISORY na maaaring magbago kapag may dumating na mga bagong datos. Ang mahalaga po ngayon ay kumilos tayo upang maiwasan ang sakit.

Kumilos po tayo upang tayo ay maging ligtas mula sa COVID-19. ISIPIN PO NATIN NA GINAGAWA NATING LIGTAS ANG ATING SARILI UPANG MAGING LIGTAS DIN ANG ATING PAMILYA. At gayundin ang ating komunidad, ang ating bansa, at ang buong mundo.

SOCIAL/ PHYSICAL DISTANCING

Ano ang ating gagawn?Bakit natin ginagawa?
➢ Dumistansiya nang may 1 dipa (3 to 6 feet) mula sa ibang tao. Gawin ito sa bahay, sasakyan, supermarket, elevator, at iba pang lugar na may tao.
➢ Iwasan ang taong may sakit sa paraang hindi siya makakaramdam ng diskriminasyon. Lumugar nang may higit sa isang dipa mula sa kanya. Maaari mo siyang bigyan ng mask o tissue (kung meron ka) at payuhan siya na umuwi.
➢ Iwasan muna ang pakikipagkamay, pagmamano, o besobeso. Gawin ang ibang pamamaraan ng pagbati tulad ng ngiti, tango, o kaway.
➢ Huwag nang magsuot ng mask kung wala kang sakit o wala namang panganib sa iyo:
-hindi ka mahina ang resistensiya (senior, may sakit sa puso, iba pa)
-hindi ka nag-aalaga ng may sakit
Ang paggamit ng mask ay mas kailangan ng mga nagtatarabaho sa ospital at klinika, ng ibang mga frontliner katulad ng kahera sa supermarket, at ng mahihina ang resistensiya.
➢ Manatili sa loob ng bahay sa panahon ng enhanced community quarantine.
➢ Kung dumating ang panahon na malaki na ang panganib na mahawa, magsuot ng mask ang mga lumalabas ng bahay upang mamili ng pagkain o gamot.
• Ang pangunahing pagkakahawa sa COVID-19 ay sa pamamagitan ng tinatawag na respiratory droplets ng isang may impeksiyon ng COVID-19.
• Kung siya ay umubo o bumahing na hindi tinakpan ang bibig, maglalabas siya ng mga droplet na may kasamang virus na sanhi ng COVID-19. Maaari ring may mga droplet na lumabas sa pagsasalita, pagkanta, o pagsigaw (o maging sa paghinga pero napakakunti nito).
• Ang mga droplet ay bumabagsak sa sahig, mesa o iba pang surface sa layo na 3 to 6 feet.
• Kung malakas ang pagbahing o pag-ubo, maaaring higit pa sa 6 feet ang layo ng mga droplet.
• Ang pagkakahawa ay sa pamamagitan ng pagpasok ng virus sa mata, ilong, o bibig mula sa direct contact, paglanghap ng droplet, o kontaminadong kamay.
Pareho ring sa droplets ang pagkakahawa SARS, MERS, ebola, trangkaso, o karaniwang sipon. (Airborne naman ang pagkakahawa sa tigdas at TB).

DISINFECTION (PAGLILINIS NG PALIGID)

Ano ang ating gagawin?Bakit natin ginagawa?
➢ I-disinfect ang mga mesa, doorknob, handrail, telepono, switch, gripo, lababo, inidoro, at iba pang madalas hawakan, gamit ng Clorox o ibang disinfectant. Timplahin ang 1 tasa ng Clorox sa 9 na tasa ng tubig.
➢ Kung marumi ang mesa, gripo o inidoro, hugasan muna ng sabon at tubig.
• Ang mga droplet ay maaaring bumagsak sa mga surface katulad ng sahig, mesa, at iba pa. Maaari rin itong matagpuan sa mga doorknob, handrail, switch, at iba pa na nahawakan ng taong may virus na sanhi ng COVID-19.
• Ang virus ng COVID-19, sa labas ng katawan ng tao o hayop, ay maaaring mabuhay nang 1araw (sa cardboard) hanggang 2 araw (sa metal) o 3 araw (sa plastic),

HAND HYGIENE

Ano ang ating gagawin?Bakit natin ginagawa?
➢ Maghugas ng kamay tuwina, gamit ang sabon at tubig sa loob ng 20 segundo o higit pa, kasingtagal ng pagkanta ng 2 Happy birthday.
– Pag-uwi ng bahay
– Matapos humawak sa doorknob, handrail, o iba pa
– Matapos umubo, bumahing, o suminga
– Matapos gumamit ng palikuran
– Bago kumain
– Bago magluto
– Kung marumi ang kamay
➢ Kung walang sabon at tubig, gumamit ng hand sanitizer na may 70% alcohol, halimbawa kung nasa labas ng bahay.
➢ Huwag hawakan ang mata, ilong, o bibig kung hindi pa naghugas ng kamay.
➢ Kung makati ang mukha, gamitin ang likod ng kamay at braso na pangkamot.
➢ Huwag ding hawakan ang mukha ng iba.
• Ang pagkakahawa sa COVID-19 ay mula sa diretsong pagkakalanghap ng virus mula sa ubo o bahing (Kaya mahalaga ang social distancing). Maaari rin itong makapasok sa katawan daan sa ilong, bibig o mata kung nahawakan ang mukha ng kamay na kontaminado mula sa paghawak sa doorknob, handrail, o kamay ng may virus ng COVID-19 (mula sa pakikipagkamay).
• Ang pagkakahawa ay dahil sa virus na nakapasok sa ating katawan na dumaan sa ilong, bibig, o mata

COUGH ETIQUETTE /RESPIRATORY ETIQUETTE

Ano ang ating gagawin?Bakit natin ginagawa?
➢ Takpan ang bibig kung umubo o bumahing.
➢ Umubo sa manggas, sa ilalim ng kuwelyo o sa loob ng damit; o sa looban ng siko.
➢ O umubo sa tisyu at itapon nang maayos sa basurahan.
➢ Suminga sa tisyu at itapon sa basurahan.
➢ Huwag dumura kung saansaan. Dumura sa tisyu at itapon sa basurahan.
• Ang isang tao na may COVID-19 ay makakapanghawa ng iba sa pamamagitan ng tinatawag na respiratory droplets kung siya ay umubo o bumahing na hindi tinakpan ang bibig.

QUARANTINE

Ano ang ating gagawin?Bakit natin ginagawa?
➢ Mag-self quarantine o manatili sa loob ng bahay sa loob nang 14 na araw, kung ikaw ay:
– Galing sa isang trip at maaaring na-expose sa isang tao na may virus ng COVID-19
– Tukoy na na-expose sa isang tao na positibo sa COVID-19
➢ Lalong higit na sumunod sa social distancing, hand washing at iba pang pag-iingat na nasa itaas.
• Magmula sa pagka-expose sa isang may virus ng COVID 19, ang incubation period (kung kailan lumalabas ang mga sintomas ng sakit) ay 2hanggang 14 na araw (kadalasan ay 5 araw).
• Sa ilang tao, maaaring walang sintomas na maramdaman. Sila ang mas peligro, dahil makakapanghawa sila ng sakit nang hindi nila nalalaman. Kaya mahalaga na makumpleto ang 14 na araw na quarantine, kahit walang nararamdaman.
• PUM o person under monitoring ang tawag sa mga tao na may history na na-expose sa may COVID-19 (o posibleng may COVID-19).
• PUI o person under investigation naman ang tawag kung nagpakita na ng mga sintomas ng sakit (Tingnan ang ibaba).

KUNG MAY SAKIT

Ano ang ating gagawin?Bakit natin ginagawa?
➢ Manatili sa bahay kung ikaw ay may lagnat o ubo.
➢ Kung bahagya lang ang mga nararamdaman, mas mainam na mamalagi na lang sa bahay.
➢ Lalong higit na sumunod sa social distancing, hand washing at iba pa na nasa itaas.
➢ Magpakonsulta kung sa palagay mo ay na-expose ka sa tao na may COVID-19. Tumawag muna sa ospital, at banggitin ang iyong nararamdaman
➢ Huwag magself-medicate o uminom ng gamot katulad ng hydroxychloroquine o iba pang nakikita sa social media.
• Ang isang nahawa ng COVID-19 ay maaaring magpakita ng pagkakasakit mula 2 hanggang 14 na araw matapos ma-expose sa may ganitong sakit.
• Ang unang mga palatandaan ng sakit ay lagnat at ubo. Ang iba ay maaari ring may sipon, sakit ng lalamunan, sakit ng ulo at katawan (animo’y trangkaso), pagtatae, panghihina, o pagkawala ng lasa at amoy.
• Ang ilan ay maaaring humantong sa malalang sakit (severe COVID-19). Palatandaan nito ay hirap sa paghinga o matinding sakit ng dibdib. Sa 100 na nagkasakit, ang 80 ay banayad o katamtaman lang ang sakit, sa 15 ito ay malala (severe COVID-19), at sa natitirang 5 naman ay kritikal (kagyat na nangangailangan ng intensive care sa ospital).
• Ang namamatay sa COVID-19 (case fatality rate ay naglalaro sa 2-5 porsiyento. Kumpara sa iba
Sakit Porsiyento ng namamatay
MERS 35 % (35 sa 100)
SARS 14-15
COVID-19 2-5 *
Seasonal flu 0.1 (1 sa 1000)
Tigdas 15 (150 sa 1000)
Dengue 0.44
Ebola 90
TB 12.3 (overall)
*Ang datos ay maaari pang magbago.
Ang kadalasang nasa panganib ay iyong mahihina ang resistensiya, katulad ng mga matanda (higit sa 60), may diabetes, may sakit sa puso, may chronic kidney disease (malubhang sakit sa bato), may chronic obstructive pulmonary disease (malubhang sakit sa baga), may organ transplant, may HIV AIDS, may kanser, o nakachemotherapy.
Ang mga doktor at ibang nagtatrabaho sa ospital ay nasa mas malaking panganib din kung ihahambing sa iba.

• Wala pang gamot o bakuna na pangontra sa COVID-19. Ang paggagamot sa pasyente ay tinatawag na supportive. Halimbawa, mula sa paracetamol kung may lagnat hanggang sa paggamit ng ventilator sa ospital kung nahihirapang huminga. Kailangan din ng mainam na nutrisyon at sapat na pahinga ang pasyente. (Wala pang sapat na ebidensiya upang magrekomenda ng antiviral drug, traditional medicine, o supplement para sa COVID-19). Pinag-aaralan pa ang mga gamot tulad ng hydroxychloroquine, azithromycin, at iba pa.

PAGPAPALAKAS NG RESISTENSIYA NG KATAWAN

Ano ang ating gagawin?Bakit natin ginagawa?
➢ Magpalakas ng resistensiya.
➢ Kumain ng masustansiya at sapat na pagkain.
➢ Mag-ehersisyo nang 30 minuto araw-araw (katulad ng paglalakad).
➢ Matulog nang 8 oras araw-araw.
➢ Huwag manigarilyo.
➢ Maging gawi ang iba pang paraan ng healthy lifestyle.
➢ Maglibang upang mapangibabawan ang stress.
• Ang isang malusog na katawan ay pananggalang sa anumang sakit. Kung malakas ang ating resitensiya, banayad o katamtaman lang ang ating karamdaman, kumpara sa malalang kundisyon sa iba na hindi malakas ang resistensiya.

MENTAL HEALTH /KAPANATAGAN NG ISIP

Ano ang ating gagawin?Bakit natin ginagawa?
➢ Tingnan ang community quarantine bilang panahon na puede mong gawin ang matagal na hindi mo nagawa. Makipag-bonding sa mga kasama sa bahay: kuwentuhan, sabay-sabay na panalangin, at iba pa.
➢ Huwag magpapaniwala sa mga balita sa social media. Alamin ang mga tamang impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang ahensiya (Tingnan sa ibaba).
➢ Magpakapanatag ng isip: mag-deep breathing, makinig sa paboritong musika, magyoga, maggarden, manalangin, at iba pa.
• Mahalaga ang kapanatagan ng ating isip. Kung parati tayong may stress, bumababa ang ating immune status o resistensiya sa sakit.

TAMANG IMPORMASYON

Ano ang ating gagawin?Bakit natin ginagawa?
➢ Alamin ang mga tamang impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang ahensiya, katulad ng ating Department of Health (DOH, www.doh.gov.ph ), World Health Organization (WHO, www.who.int ), at Center for Disease Control and Prevention ng Amerika (CDC, www.cdc.gov ).
➢ Huwag magpaniwala sa fake news. Kung may duda, magtanong sa ating DOH.
• Makakaiwas sa labis na pag-aalala at stress mula sa mga sensational at nakakatakot na fake news.

TUNGKOL SA COVID-19

Ang virusAng sakit
• SARS CoV-2 (severe acute respiratory syndrome coronavirus 2) ang taguri sa virus na dahilan ng COVID-19. [2019 novel coronavirus o 2019-nCoV o nCoV ang dating taguri sa virus].
• Ang bagong natuklasang virus ay kabilang sa isang grupo ng mikrobyo na kung tawagin ay coronavirus family. (Sa taguring mikrobyo o germs, kabilang ang mga virus, bacteria, at fungi).
• Mula sa coronavirus family, may mga iba pang coronavirus na naghahatid ng ibang sakit sa tao. Kalimitan dito ay mga simpleng sipon at trangkaso (dulot ng mga coronavirus na may taguring 229E-CoV, NL63-CoV, OC42-CoV, at HKU1-CoV).
• May ilang coronavirus naman na naghahatid ng sakit na may matinding epekto sa baga katulad ng SARS-CoV, na naghatid ng severe acute respiratory syndrome (SARS) noong 2003, at MERS-CoV, na sanhi naman ng Middle East respiratory syndrome (MERS) noong 2012.
• Ito ngang bagong virus ay tinaguriang SARS CoV-2 (nitong 2019) dahil may pagkakahawig sa naunang SARS CoV (noong 2003).
• May 7 tukoy na uri ng coronavirus na naghahatid ng sakit sa tao, ayon sa paglalahad natin sa itaas.
• Sa kabuuan, may mga 300 uri ng coronavirus at ang karamihan ay taglay ng mga hayop tulad ng paniki, pusa, musang, baka, kamel, pangolin, at ahas.
• Ang SARS CoV-2 ay nag-umpisa sa palengke ng Wuhan at ang virus ay maaaring nakuha mula paniki o hayop na pangolin. (Marami pang impormasyon ang hindi tukoy sa SARS CoV-2).
Ngayon, ang pagkakahawa ng SARS CoV-2 ay hindi na lang hayop-sa-tao, kundi tao-sa-tao na rin.
• Ang virus ay isang protein molecule na nababalot ng fat layer. Sa pagsasabon (20 seconds), ang fat layer ay winawasak ng sabon na humahantong sa pagkasira ng virus. Ganito rin ang epekto ng 70% alcohol at ng bleach (Clorox).
• COVID-19 (coronavirus disease 2019) ang taguri sa sakit na dala ng bagong natuklasang virus (SARS CoV-2) nitong Disyembre 2019. Ito ay nag-umpisa sa palengke sa Wuhan, China at ngayon ay isa nang pandemic at nakaapekto na sa halos lahat ng bansa.
• Ang COVID-19 ay maaaring mahawa mula sa diretsong pagkakalanghap ng virus (SARS CoV-2) mula sa ubo o bahing ng taong may COVID-19. Maaari rin itong makapasok sa katawan daan sa ilong, bibig o mata kung nahawakan ito ng kamay na kontaminado mula sa paghawak sa doorknob, handrail, at iba pa sa kamay ng may COVID-19 (mula sa pakikipagkamay) o iba pa.
• Ang incubation period ay 2 hanggang 14 na araw matapos mahawa sa virus (nalanghap o nakapasok sa katawan dahil sa pagkusot ng mata o paghawak sa ilong o bibig).
Ang mga nahawa ay mahahati sa 4 na grupo:
Subclinical: Walang nararamdaman bagamat may virus sila. Ang grupong ito ay maaring makapanghawa pa rin. Dahil dito, mahalaga pa rin ang social distancing maging sa mga tao na mukha namang walang sakit.
Clinical with minor symptoms. May lagnat at maaring may ubo rin, at ibang sintomas (sakit ng ulo, kati ng lalamunan, sipon, ginaw, sakit ng katawan, panghihina, pagtatae) na banayad o katamtaman lang.
Clinical with major symptoms na dahil diyan ay hindi makapagtrabaho ang pasyente.
Severe. Kritikal ang kalagayan, lalo na ang hirap sa paghinga, panghihina, at sakit ng dibdib.
80 porsiyento (80 sa 100) ay wala, banayad o katamtaman lang ang nararamdaman.
15 porsiyento ay malala
5 porsiyento ay kritikal
• Sa COVID-19, naapektuhan ang mga air sac (dulong bahagi ng baga) at nagsasanhi ng grabeng pulmonya, na siyang maaaring ikamatay ng pasyente.
Ang 10 tao na may COVID-19 ay maaaring makahawa sa 14 hanggang 25 iba pa. Sa paghahambing, ang 10 bata naman na may tigdas (airborne ang measles virus) ay makakahawa ng 120 hanggang 180 bata na hindi protektado ng bakuna).

Comments are closed.