Pagdiriwang ng mga Mahal na Araw Para sa mga Pamilya

PANGTAHANANG PAGDIRIWANG
NG MGA MAHAL NA ARAW
AT NG PAGPAPAKASAKIT, KAMATAYAN
AT MULING PAGKABUHAY NG PANGINOON
PARA SA MGA PAMILYA

Nais naming ihandog ang mga pagdiriwang na pangtahanan ng mga Mahal na Araw at Banal na Triduo. May dalawang maaring pagpilian:

  1. mga mungkahing gagawin ng pamilya na susubaybay sa live steam ng mga pagdiriwang;
  2. mga panalangin na pamumunuan ng pinuno ng pamilya ayon sa Pagdiriwang ng Banal na Triduong Pampaskuwa Kapag Walang Pari.

Babalik tayo sa karanasan ng simbahan na nagtitipon ang mga Kristiyano sa mga tahanan para sumamba. Napakagandang pagkakataon nito na himukin ang mga pamilya na magdasal nang samasama.

Sa inyong mga tahanan, makiisa sa mga pagdiriwang sa pakikikinig, pagsagot, pag- awit, pagkilos, pagninilay at pagtahimik. Makaktulong na maghanda ng altar na may krus at kandila.

Linggo ng Palaspas
  1. Habang binibigkas ang panalangin sa Pagbabasbas ng mga Palaspas, hawakan ang palaspas o kahit anong dahon.
  2. Pakinggan at pagnilayan ang ebanghelyo tungol sa pagpapakasakit at kamatayan ni Hesus. Magbahagi ng mga pagninilay bilang isang pamilya.
  3. Sa mga parokya na ililibot ng Banal na Sakramento, hawakan ang palaspas o anumang tangkay na may dahon bilang pagbubunyi kay Hesus.
Misa ng Hapunan ng Panginoon (Huwebes Santo)
  1. Pagkatapos ng pagdiriwang, maaring hugasan ng tatay o nanay ang paa ng mga anak at iba pang kasama sa bahay.
  2. Maaring tipunin ang mga handog na bunga ng pagtitika sa panahon ng Kuwaresma. Mangyaring ipadala ito sa parokya o sa anumang charitable institution. Maari ring humanap ng matutulungang dukhang pamilya sa pamayanan.
  3. Ang Visita Iglesia sa taong ito ay gagawin sa pamamagitan ng paglibot ng Banal na Sakramento.
Pagidirwang ng Pagpapakasakit ng Panginoon (Biyernes Santos)
  1. Pakinggan at pagnilayan ang ebanghelyo tungol sa pagpapakasakit at kamatayan ni Hesus. Magbahagi ng mga pagninilay bilang isang pamilya.
  2. Sa oras ng pagpaparangal sa Banal na Krus, maaring halikan ng mga miyembro ng pamilya ang krus sa tahanan.
  3. Dasalin ang Daan ng Krus bilang pamilya.
Sabado Santo
  1. Tipunin ang pamilya at magdasal ng Panalangin sa Umaga na tila nagtatanod sa libingan ni Hesus.
  2. Panatilihin ang katahimikan at pagninilay habang hinihintay ang Pasko ng Muling Pagkabuhay.
Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon
  1. Maghanda ng kandila upang maging Kandila ng Muling Pagkabuhay ng pamilya. Paalala ito ng tagumpay ni Hesus sa kahit anong krisis o kasamaan.
  2. Sariwain ang mga Pangako sa Binyag. Krusan ang noo ng bawat isa pagkatapos bilang paalala ng Binyag.
  3. Mag salu-salo sa hapag kainan bilang isang pamilya.
Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon.
  1. Sindihan ang Kandila ng Muling Pagkabuhay ng Pamilya.
  2. Sariwain ang mga Pangako sa Binyag. Krusan ang noo ng bawat isa pagkatapos bilang paalala ng Binyag.
  3. Sa oras ng paglibot ng Banal na Sakramento, idungaw sa inyong bintana o pintuan ang imahen ng Mahal na Birhen bilang pagsalubong sa Muling Nabuhay na Kristo.

LINGGO NG PALASPAS SA PAGPAPAKASAKIT NG PANGINOON

Ngayon ipinagdiriwang ng Simbahan ang Pagpasok ni Kristo sa Jerusalem upang ganapin ang misteryo ng Pasko ng Pagpapakasakit at Pagkabuhay na Muli.

Sa itinakdang sandali, magtitipon ang mga kasapi ng pamilya na may hawak na mga palaspas o kahit anong tangkay na may dahon. Pamumunuan ng puno ng sambahayan ang pananalangin.

Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.

Tutugon ang lahat ng kasapi ng pamilya:

Amen.

Ang puno ng sambahayan ay magbibigay ng maikling pambungad na paliwanag bilang paanyaya sa lahat upang ganap na makiisa sa pagdiriwang. Maaari niyang gamitin ang mga sumusunod o anumang katumbas na pangungusap.

Mga minamahal na kapatid,
limang linggo na tayong naghahanda ng sariIi para sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagpapakasakit at Pagkabuhay ng Panginoon.
Sinikap nating unawain at tuparin
ang ating pananagutan sa Diyos at sa kapwa tao alinsunod sa araI at halimbawa ni Hesukristo.

Kaisa ng buong Simbahan,
sinisimulan natin ngayon ang mga Mahal na Araw.
Si Kristo ay matagumpay na pumasok sa kanyang lungsod upang tuparin ang kanyang gawain bilang Mesiyas:
ang magpakasakit, mamatay, at muling mabuhay para sa ating kaligtasan.

Taimtim nating sariwain sa alaala ang kanyang pag-aalay ng sarili para sa kapwa at sundan natin siya nang may buhay na pananampalataya. Kaisa niya sa pagdurusa sa krus, tayo nawa ay makahati niya sa kanyang pananaig sa kamatayan at sa kanyang bagong buhay.

PANALANGIN NG PAGBABASBAS NG MGA PALASPAS

Matapos nito, ang puno ng sambahayan ay mananalangin na magkadaop ang kamay:

Manalangin tayo.

Tahimik na mananalangin nang saglit.

Ama naming makapangyarihan, ang mga palaspas na ito
ay iyong pagpalain at pabanalin  upang sa masaya naming pagbubunyi sa Mesiyas na aming Hari
siya’y aming masundan
at sa pamamagitan niya’y aming sapitin
ang hindi magmamaliw na lungsod ng Jerusalem na kanyang pinaghaharian
kasama mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Tutugon ang lahat ng kasapi ng pamilya:

Amen.

O kaya:

Ama naming makapangyarihan,
pag-alabin mo ang pananampalataya ng mga nananalig sa iyo
at ang mga kahilingan namin ay paunlakan mo upang kaming may mga sanga ng palaspas bilang parangal sa inaning tagumpay ni Kristo ay mamunga para sa iyo
sa pakikiisa namin sa kanyang mabubuting gawain kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Tutugon ang lahat ng kasapi ng pamilya:

Amen.

PANALANGING PAMBUNGAD

Pangungunahan ng puno ng sambahayan ang pambungad na panalangin.

Manalangin tayo.

Tahimik na mananalangin nang saglit.

Ama naming makapangyarihan,
ginawa mong halimbawang dapat tularan
ang Tagapagligtas naming naging di iba sa amin para ang krus namin ay akuin.
Pagindapatin mong sa mga pagdiriwang ay aming kamtin ang kanyang ulirang pagkamatiisin
at ang pakikisalo sa pagkabuhay niyang maningning sa pamamagitan niya kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Tutugon ang lahat ng kasapi ng pamilya:

Amen.

PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA                  Filipos 2:8-9

Masunuring Kristo Hesus
naghain ng buhay sa krus,
kaya’t dinakila ng D’yos
binigyan ng ngalang tampok
sa langit at sansinukob.

ANG PAGPAPAKASAKIT NG PANGINOON         Mateo 26:14 – 27:66

Ang pagpapakasakit ng Panginoon ay ipahahayag. Ang iba’t ibang kasapi ng pamilya ay maaring maging tagapagpahayag ng mga bahagi ng pagbasa.

Puno ng sambahayan:

Mga kapatid halina’t pakinggan
ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesuskristo ayon kay San Mateo

Tagapagsalaysay: 

Noong panahong iyon:
Si Judas Iscariote, isa sa labindalawa,
ay nakipagkita sa mga punong saserdote.

Hudas:

“Ano po ang ibibigay ninyo sa akin
kung tulungan ko kayong madakip si Hesus?”

Tagapagsalaysay: 

tanong niya.
Noon din ay binilangan nila siya

ng tatlumpung salaping pilak.
Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon

upang maipagkanulo si Hesus.
Dumating ang unang araw
ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura.

Lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong,

Alagad:

“Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?”

Tagapagsalaysay:

Sumagot siya,

Hesus: 

“Pumunta kayo sa lungsod
at hanapin ninyo ang taong ito.
Sabihin sa kanyang ganito ang ipinasasabi ng Guro: ‘Malapit na ang aking oras.
Ako at ang mga alagad ko’y sa bahay mo kakain ng Hapunang Pampaskuwa.’“

Tagapagsalaysay:

Sinunod ng mga alagad ang utos ni Hesus,
at inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.
Nang gabing yaon, dumulog sa hapag si Hesus, kasama ang labindalawang alagad.
Samantalang sila’y kumakain, nangusap si Hesus,

Hesus: 

“Sinasabi ko: isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.”

Tagapagsalaysay: 

Nanlumo ang mga alagad,
at isa’t isa’y nagtanong sa kanya,

Alagad:

“Ako po ba, Panginoon?”

Tagapagsalaysay:

Sumagot siya,

Hesus:

“Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat, nguni’t sa aba ng magkakanulo sa kanya! Mabuti pang hindi na ipinanganak ang taong iyon.”

Tagapagsalaysay: 

Si Judas, na magkakanulo sa kanya, ay nagtanong din,

Hudas:

“Guro, ako po ba?”

Tagapagsalaysay:

Sumagot si Hesus,

Hesus:

“Ikaw na ang nagsabi.”

Tagapagsalaysay:

Samantalang sila’y kumakain,
dumampot ng tinapay si Hesus,
at matapos na magpasalamat sa Diyos,
kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad.

Hesus:

“Kunin ninyo ito at kanin; ito ang aking katawan,”

Tagapagsalaysay:

wika niya.
Hinawakan niya ang kalis,
nagpasalamat sa Diyos at ibinigay sa kanila.

Hesus:

“Uminom kayong lahat nito,”

Tagapagsalaysay:

sabi niya.

Hesus:

“Sapagkat ito ang dugo ng tipan,
ang aking dugo na mabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako iinom nitong alak na mula sa ubas hanggang sa araw na ang bagong alak ay inumin kong kasalo kayo sa kaharian ng aking Ama.”

Tagapagsalaysay:

At pagkaawit ng isang imno,
sila’y nagpunta sa Bundok ng mga Olibo. Sinabi ni Hesus sa kanila,

Hesus:

“Sa gabing ito, ako’y iiwan ninyong lahat, gaya ng nasasaad sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol, at mangangalat ang mga tupa.’ Nguni’t pagkatapos na ako’y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

Tagapagsalaysay:

Sumagot si Pedro,

Pedro:

“Kahit na po iwan kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan.”

Hesus:

“Tandaan mo,

Tagapagsalaysay:

sabi ni Hesus,

Hesus:

sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok, makatatlo mo akong itatatwa.”

Tagapagsalaysay:

Ngunit matigas na sinabi ni Pedro,

Pedro:

“Kahit na ako pataying kasama ninyo, hindi ko kayo itatatwa.”

Tagapagsalaysay:

Gayon din ang sinabi ng lahat ng alagad.
At isinama sila ni Hesus sa isang lugar na tinatawag na Getsemani.
Sinabi niya sa kanyang mga alagad,

Hesus:

“Dito muna kayo; mananalangin ako sa dako roon.”

Tagapagsalaysay:

Ngunit isinama niya si Pedro
at ang dalawang anak ni Zebedeo.
At nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila,

Hesus:

“Ang puso ko’y tigib ng hapis na halos ikamatay ko!
Maghintay kayo rito at makipagpuyat sa akin!”

Tagapagsalaysay:

Pagkalayo nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin:

Hesus:

“Ama ko, kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis ng paghihirap na ito.
Gayunman, huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang mangyari.“

Tagapagsalaysay:

Nagbalik siya
at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro,

Hesus:

“Talaga bang hindi kayo makapagpuyat
na kasama ko kahit isang oras man lamang?
Magpuyat kayo at manalangin
upang huwag kayong madaig ng tukso.
Ang espiritu’y nakahanda nguni’t mahina ang laman.”

Tagapagsalaysay:

Muli siyang lumayo at nanalangin:

Hesus:

“Ama ko, kung hindi maiaalis ang kalis na ito
nang hindi ko iinumin, mangyari ang iyong kalooban.”

Tagapagsalaysay:

Muli siyang nagbalik
at dinatnan na naman niya silang natutulog, sapagkat sila’y antok na antok.
Iniwan niya uli ang tatlong alagad
at muli siyang nanalangin, at iyon din ang sinabi.
Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila,

Hesus:

“Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Dumating na ang oras na ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga makasalanan.
Tayo na! Narito na ang magkakanulo sa akin.”

Tagapagsalaysay:

Nagsasalita pa si Hesus nang dumating si Judas,
isa sa Labindalawa.
May kasama siyang maraming tao
na may dalang mga tabak at mga pamalo; galing sila sa mga punong saserdote
at sa matatanda ng bayan. Bago pa sila dumating doon,
ibinigay na ng taksil ang ganitong hudyat:

Hudas:

“Ang hagkan ko ang siya nating pakay. Dakpin ninyo agad!”

Tagapagsalaysay:

Kaya’t nilapitan ni Judas si Hesus at binati,

Hudas:

“Magandang gabi po,  Guro!”

Tagapagsalaysay:

saka hinagkan. Sinabi sa kanya ni Hesus,

Hesus:

“Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.”

Tagapagsalaysay:

At nilapitan siya ng mga tao at dinakip.
Nagbunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Hesus. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong saserdote, at natigpas ang tainga niyon.
Sinabi ni Hesus,

Hesus:

“Isalong mo ang iyong tabak!
Ang gumagamit ng tabak ay sa tabak mamamatay. Hindi mo ba alam na makahihingi ako sa aking Ama nang higit pa sa labindalawang batalyon ng mga anghel at padadalhan niya ako agad?
Nguni’t paanong matutupad ang mga Kasulatang nagsasabi na ito’y dapat mangyari?”

Tagapagsalaysay:

At binalingan niya ang mga tao at sinabi,

Hesus:

“Ako ba’y tulisan at naparito
kayong may mga tabak at mga pamalo para dakpin ako?
Araw-araw, ako’y nagtuturo sa templo, at hindi ninyo ako dinakip.
Nguni’t nangyaring lahat ito
upang matupad ang sinulat ng mga propeta.“

Tagapagsalaysay:

Tumakas ang mga alagad at iniwan siyang mag-isa.
Dinala si Hesus ng mga dumakip sa kanya
sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong saserdote; doo’y nagkakatipon ang mga eskriba at ang matatanda ng bayan.

Sumunod sa kanya si Pedro, ngunit malayo ang agwat nila.
Pagdating sa tahanan ng pinakapunong saserdote, pumasok siya sa patyo at naupong kasama ng mga bantay upang makita kung ano ang mangyayari.

Naghahanap naman ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin ng saksing magsisinungaling laban kay Hesus, upang maipapatay siya. Ngunit wala silang matagpuan, bagamat maraming humarap at nagsabi ng kabulaanan tungkol sa kanya. Sa wakas, may dalawang humarap at nagsabi,

Taong-Bayan: 

“Sinabi ng taong ito na gigibain niya ang templo
at muling itatayo sa loob ng tatlong araw.”

Tagapagsalaysay:

Tumindig ang pinakapunong saserdote at sinabi kay Hesus,

Saserdote:

“Wala ka bang maisasagot sa paratang na ito sa iyo?”

Tagapagsalaysay:

Ngunit hindi umimik si Hesus.
At sinabi sa kanya ng pinakapunong saserdote,

Saserdote:

“Iniuutos ko sa iyo:
sabihin mo sa amin, sa ngalan ng Diyos na buhay, kung ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos.”

Tagapagsalaysay:

Sumagot si Hesus,

Hesus:

“Kayo na ang nagsabi.
Ngunit sinasabi ko sa inyo:
Mula ngayon ay makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan, at dumarating na nasa alapaap ng langit!“

Tagapagsalaysay: 

Nang marinig ito ng pinakapunong saserdote,
winasak niya ang sariling kasuotan at sinabi,

Saserdote:

“Ito’y kalapastanganan sa Diyos!
Hindi na natin kailangan ang mga saksi.
Narinig ninyo ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano sa palagay ninyo?”

Tagapagsalaysay:

Sumagot sila,

Taong-Bayan:

“Dapat siyang mamatay!”

Tagapagsalaysay:

Siya’y niluran nila sa mukha at pinagsusuntok.
Sinampal naman siya ng iba at ang sabi,

Sundalo:

“Kristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”

Tagapagsalaysay:

Samantala, si Pedro’y nakaupo sa patyo.
Nilapitan siya ng isang alilang babae at ang sabi,

Babae:

“Kasama ka rin ni Hesus na taga-Galilea, hindi ba?”

Tagapagsalaysay:

Ngunit itinanggi niya ito sa harapan ng lahat.

Pedro:

“Wala akong nalalaman sa sinasabi mo,”

Tagapagsalaysay:

sagot niya.
Pumunta sa may pintuan si Pedro. Nakita siya ng isa pang alilang babae, at sinabi sa mga naroon,

Babae:

“Ang lalaking ito’y kasama ni Hesus na taga-Nazaret.”

Tagapagsalaysay:

Muli siyang tumanggi:

Pedro:

“Isinusumpa ko, hindi ko nakikilala ang taong iyan.”

Tagapagsalaysay:

Mayamaya’y lumapit kay Pedro ng mga naroon.
Sinabi nila,

Taong-Bayan: 

“Isa ka nga sa kanila. Nakikilala sa iyong pagsasalita.”

Pedro:

“Mamatay man ako, talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan,”

Tagapagsalaysay: 

sagot ni Pedro.
Siya namang pagtilaok ng manok. At naalaala ni Pedro ang sabi ni Hesus,
“Bago tumilaok ang manok, makatatlo mo akong itatatwa.”
Lumabas siya at nanangis nang buong kapaitan. Kinaumagahan, nagpulong ang mga punong saserdote at ang mga matatanda ng bayan kung paano maipapapatay si Hesus. Iginapos nila siya at dinala kay Gobernador Pilato.
Nang makita ni Judas na si Hesus ay hinatulang mamatay,
nagsisi siya at isinauli sa mga punong saserdote at sa matatanda ng bayan ang tatlumpung salaping pilak. Sinabi niya,

Hudas:

“Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang taong walang sala.”

Saserdote:

“Ano ang pakialam namin? Bahala ka!”

Tagapagsalaysay:

sagot nila.
Inihagis ni Judas ang mga salaping pilak sa loob ng templo saka siya umalis at nagbigti.
Pinulot ng mga punong saserdote ang mga salaping pilak. Sinabi nila,

Saserdote:

“Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng templo. Ito’y kabayaran sa buhay ng isang tao.”

Tagapagsalaysay: 

Nagkaisa sila na ang salapi ay ibayad sa bukid ng magpapalayok upang gawing libingan ng mga dayuhan. Kaya ang bukid na iyon ay tinawag na “Bukid ng Dugo” hanggang sa panahong ito.
Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung salaping pilak, ang inihalaga sa kanya ng mga Israelita,
at ibinayad sa bukid ng magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.“

Iniharap si Hesus sa gobernador.

Pilato: 

“Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?”

Tagapagsalaysay:

tanong sa kanya ng gobernador.
Sumagot si Hesus,

Hesus: 

“Kayo na ang nagsasabi.”

Tagapagsalaysay:

Ngunit nang paratangan siya ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan, hindi na siya sumagot.
Kaya’t sinabi sa kanya ni Pilato,

Pilato:

“Hindi mo ba naririnig ang mga ipinararatang nila sa iyo?”

Tagapagsalaysay:

Ngunit hindi sumagot si Hesus gaputok man,
kaya’t nagtaka ang gobernador. Tuwing Pista ng Paskuwa, kinaugalian na ng gobernador ang magpalaya ng isang bilanggo sinumang mahiling ng taong-bayan.
Noon ay may isang kilalang bilanggo na nagngangalang Barrabas. Kaya’t nang magkatipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato,

Pilato:

“Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Barrabas o si Hesus na tinatawag na Kristo?”

Tagapagsalaysay: 

Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa kanila na dalhin sa kanya si Hesus. Hindi lamang iyan. Samantalang siya’y nakaluklok sa hukuman, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa,

Babae:

“Huwag kang makialam sa taong iyan na walang kasalanan, sapagkat kagabi’y pinahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya.”

Tagapagsalaysay:

Ang mga tao nama’y sinulsulan ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barrabas ang palayain, at si Hesus ay ipapatay. Muli silang tinanong ng gobernador,

Pilato:

“Sino sa dalawa ang ibig ninyong palayain ko?”

Taong-Bayan:

“Si Barrabas po!”

Tagapagsalaysay:

sagot nila.
Sinabi sa kanila ni Pilato,

Pilato:

“Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Kristo?”

Tagapagsalaysay:

Sumagot ang lahat,

Taong-Bayan:

“Ipako sa krus!”

Pilato:

“Bakit, anong masama ang ginawa niya?”

Tagapagsalaysay:

tanong ni Pilato.
Nguni’t lalo pa nilang isinigaw,

Taong-Bayan:

“Ipako sa krus!”

Tagapagsalaysay:

Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harapan ng mga tao.

Pilato:

“Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Bahala kayo!”

Tagapagsalaysay:

sabi  ni Pilato. Sumagot ang mga tao,

Taong-Bayan:

“Pinananagutan namin at ng aming mga anak ang pagkamatay niya!”

Tagapagsalaysay:

At pinalaya niya si Barrabas, nguni’t ipinahagupit si Hesus at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.
Si Hesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa pretoryo, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya.
Hinubaran nila siya at sinuutan ng isang balabal na pulang-pula.
Naglikaw sila ng halamang matinik at ipinutong sa kanya, saka pinapaghawak ng isang tambo sa kanyang kanang kamay.
At palibak siyang niluhudluhuran at binati:

Sundalo:

“Mabuhay ang Hari ng mga Judio!”

Tagapagsalaysay:

Siya’y pinaglulurhan; kinuha nila ang tambo at siya’y pinaghahampas sa ulo. At matapos kutyain, kanilang inalisan siya ng balabal, sinuotan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus.
Paglabas nila ng lungsod, kanilang nakita ang isang lalaking nagngangalang Simon, isang taga-Cirene.
Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus.
Pagdating sa lugar na tinatawag na Golgota na nangangahulugang Pook ng Bungo, binigyan nila si Hesus ng alak na hinaluan ng apdo. Ngunit nang matikman niya ay hindi ininom.
Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit matapos magsapalaran.
At naupo sila upang siya’y bantayan.
Nakasulat sa kanyang ulunan ang sakdal laban sa kanya:
“lto’y si Hesus, ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay niyang ipinako sa krus — isa sa kanan at isa sa kaliwa. Nilibak siya ng mga nagdaraan, at tatangu-tango pang sinabi,

Taong-Bayan:

“Di ba ikaw ang gigiba ng templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!”

Tagapagsalaysay:

Kinutya rin siya ng mga punong saserdote, ng mga eskriba at ng matatanda ng bayan. Sabi nila,

Saserdote:

“Iniligtas ang iba ngunit ang sarili’y di mailigtas!
Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumaba lang siya ngayon sa krus, maniniwala kami sa kanya!
Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Iligtas siya ng Diyos kung talagang iniibig siya!”

Tagapagsalaysay:

At inalipusta rin siya ng mga tulisang ipinakong kasabay niya.
Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-iikatlo ng hapon, sumigaw si Hesus,

Hesus:

“Eli, Eli, lama sabachthani?”

Tagapagsalaysay:

Ibig sabihi’y
“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at sinabi nila,

Taong-Bayan:

“Tinatawag niya si Elias!”

Tagapagsalaysay:

Agad tumakbo ang isa sa kanila at kumuha ng espongha, tinigmak ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang tambo at ipinasipsip kay Hesus.
Nguni’t sinabi naman ng iba,

Taong-Bayan:

“Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!”

Tagapagsalaysay:

Muling sumigaw si Hesus at nalagutan ng hininga. Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik. Biglang napunit sa gitna ang tabing ng templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nagbitak ang mga bato, nabuksan ang mga libingan, at nabuhay ang maraming banal na namatay na. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Hesus, sila’y pumasok sa Banal na Lungsod at nakita roon ng marami. Nasindak ang kapitan at ang mga kawal na nagbabantay kay Hesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari.

Sundalo:

“Tunay na ito’y Anak ng Diyos!”

Tagapagsalaysay:

sabi nila.
Naroon din ang maraming babaing nakatanaw mula sa malayo. Mula pa sa Galilea’y sumusunod na sila kay Hesus at naglilingkod sa kanya. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo.
Bago magtakipsilim, dumating ang isang mayamang taga-Arimatea, na ang ngala’y Jose. Siya’y alagad din ni Hesus. Lumapit siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus. Iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. Kaya’t kinuha ni Jose ang bangkay at binalot ng bagong kayong lino. Inilagay niya ito sa sariling libingan na di pa nalalaunang ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan nito ang isang malaking bato, saka umalis.
Naroon si Maria Magdalena at ang isa pang Maria, na nakaupo sa tapat ng libingan.
Kinabukasan, alalaong baga’y pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong saserdote at ang mga Pariseo. Sinabi nila,

Saserdote:

“Naalaala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong nabubuhay pa, na siya’y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw.
Pabantayan nga po ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumaroon ang kanyang mga alagad at nakawin ang bangkay, at sabihin sa mga tao na siya’y muling nabuhay.
At ang pandarayang ito ay magiging masahol pa sa nauna.”

Tagapagsalaysay:

Sinabi sa kanila ni Pilato,

Pilato:

“Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayang mabuti ang libingan.”

Tagapagsalaysay:

Kaya’t pumaroon sila at nilagyan ng tatak ang bato at pinabantayan ang libingan upang matiyak nilang di ito pakikialaman ninuman.

Sa katapusan, ihahayag niya:

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Magbubunyi ang lahat:

Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

TAHIMIK NA PAGNINILAY PANALANGING PANGKALAHATAN

Puno ng sambahayan:

Manalangin tayo sa Ama nating mapagmahal at mapagpala sa pamamagitan ng ating Panginoon si Hesukristo.

Buong pagtitiwala nating idalangin:

T.        Sa pamamagitan ng pagpapakasakit ni Hesus, dinggin mo kami.

Isang kasapi ng pamilya:

Nawa ang Santo Papa Francisco, mga obispo, pari, diyakono, at mga relihiyoso’t relihiyosa ay laging magpatotoo sa mga turo ni Hesukristo sa kanilang pagtuturo at pagsasabuhay ng pagmamahal at paglilingkod sa kapwa.
Manalangin tayo.

T.        Sa pamamagitan ng pagpapakasakit ni Hesus, dinggin mo kami.

Nawa ang mga namumuno sa ating pamahalaan sa sinumpaan nilang tungkulin sa bayan ay matularan ang halimbawang turo ni Hesus: ang maglingkod sa kapwa sa halip na paglingkuran.
Manalangin tayo.

T.        Sa pamamagitan ng pagpapakasakit ni Hesus, dinggin mo kami.

Nawa ang mga nagdaranas ng kahirapan at pagdurusa ay makatagpo ng pag-asa, ginhawa, at katugunan sa kanilang mga pangangailangan sa pagmamalasakit ng kanilang kapwa.
Manalangin tayo.

T.        Sa pamamagitan ng pagpapakasakit ni Hesus, dinggin mo kami.

Nawa tayong natitipon ngayon sa pakikinig natin sa salita ng Diyos at pagdiriwang ng mga Sakramento ay dulutan ng sigla upang mapaglingkuran ang Diyos sa ating kapwa, higit sa lahat ang mga nangangailangan.
Manalangin tayo.

T.        Sa pamamagitan ng pagpapakasakit ni Hesus, dinggin mo kami.

Nawa magkaroon ng agarang lunas sa coronavirus pandemic na nagpapahirap sa marami, upang hilumin na ng Panginoon ang mga maysakit, bigyan ng sapat na lakas ang mga kumakalinga sa kanila at tulungan tayong magsumikap sa pananampalataya.
Manalangin tayo.

T.        Sa pamamagitan ng pagpapakasakit ni Hesus, dinggin mo kami.

Puno ng sambahayan:

Diyos na aming Ama,
sa pagdiriwang namin ngayon sa matagumpay na pagpasok ng iyong Anak sa Jerusalem, itulot mong matularan namin ang mga halimbawa ng kanyang pagkamasunurin sa kalooban mo, siya na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo ngayon at magpakailanman.

Tugugon ang lahat ng kasapi ng pamilya:

Amen.

AMA NAMIN

Pangungunahan ng puno ng sambahayan ang Ama Namin. Puno ng sambahayan:

Hilingin natin sa ating Ama na patawarin niya tayo sa ating mga kasalanan at tulungan niya tayong magpatawad sa mga nagkasala sa atin.

Ama namin, sumasalangit ka. Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit.
Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso. At iadya mo kami sa lahat ng masama.

Matapos ang Ama Namin, aanyayahan ng puno ng sambahayan ang lahat na magbatian ng kapayapaan sa isa’t isa.

ESPIRITUWAL  NA PAKIKINABANG

Aanyayahan ng puno ng sambahayan ang lahat:

Mga kapatid,
halina’t naisin nating tanggapin ang Panginoon sa pamamaraang espirituwal habang tayo’y nakikiisa sa kanyang pagpapakasakit at kamatayan patungo sa kaluwalhatian ng kanyang muling pagkabuhay.

Sasabay ang mga kasapi ng pamilya sa pananalangin.

Aking Hesus, nananalig akong ikaw ay nananahan sa Pinakabanal na Sakramento. Mahal kita nang higit sa lahat ng bagay, at nais kong tanggapin ka sa aking kaluluwa. Subalit sa sandaling ito ikaw ay hindi ko matatanggap sa Banal na Komunyon.
Nawa’y tanggapin kita nang espirituwal sa aking pagnanais na ito at pumasok ka sa aking puso. Niyayakap kita na parang naririto ka na sa akin, at pinagkakaisa ko ang aking sarili sa iyo. Huwag mong hayaang ako ay mawalay sa iyo.

Amen

PANGWAKAS NA PANALANGIN

Puno ng sambahayan:

Panginoon, buong kapakumbabaan kaming sumasamo sa iyo na, sa pamamagitan ng kamatayan ng iyong anak pinagkalooban mo kami ng pag-asa sa aming pinananaligan.
Sa papamagitan ng kanyang muling pagkabuhay, gabayan mo kami tungo sa landas ng iyong pagtawag. Sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon.

Tutugon ang lahat ng kasapi ng pamilya:

Amen.

PANGWAKAS

Puno ng sambahayan:

Mga kapatid,
sa papamagitan ng pagdiriwang na ito mapanatili nawa tayo ng Diyos sa katawan at espiritu sa ating paglalakbay tungo sa pagbabagong-buhay.
At pagpalain tayo ng Makapangyarihang Diyos Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.

Tutugon ang lahat ng kasapi ng pamilya:

Amen.

Comments are closed.