Minamahal na bayan ng Diyos sa Arkidiyosesis ng Maynila:
Alam natin ang Ikatlong Utos: “Gawin ninyong banal ang Araw ng Panginoon.” Sa pangkaraniwang panahon, nakasanayan natin na nasunod na natin ang utos na ito matapos nating makiisa sa Misa tuwing Linggo. Pagkatapos ng Misa, kanya kanya na tayo sa nais nating gawin. Tila natatapos na ang Araw ng Panginoon matapos natin matupad ang obligasyong magsimba tuwing Linggo. Sa maraming pagkakataon, sa halip na maging Araw ng Panginoon, ang Linggo ay nagiging pansariling araw ko.
Sa natatanging panahon ng Corona virus, hinahamon tayong suriin ang mga paraan natin ng pagpapabanal sa Araw ng Panginoon. Hinihimok tayong usisain ang mga nakasanayan na nating pamamaraan. Maari pa rin bang mapabanal ang Linggo kahit hindi ako pisikal na makadalo sa Misa? Nararamdaman natin na hindi maaring pantapat o pamalit ang Misa online sa personal at piskal na pagdalo sa Banal na Misa. Ito’y kulang na pamalit. Paano nga kaya natin matutupad ang ikatlong utos?
Sa pagturing natin sa araw ng Linggo bilang Araw ng Panginoon, kailangang tunay na ituring natin ito bilang Araw ng Panginoong Hesus. Tuwing Linggo, ipinagdiriwang natin ang pinakamahalagang kagananpan sa kasaysayan ng kaligtasan, ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Pinagtagumpayan niya ang kasamaan at kasalanan gayundin ang kamatayan. Itinutuon natin ang ating pansin kay Hesus. Sa ibang mga araw ng sanlinggo, abala tayo sa ating mga sarili – sa ating hanapbuhay, tahanan, paaralan, trabaho at mga kaibigan. Tuwing Linggo, kay Hesus tayo babaling. Nakikiisa tayo sa tagumpay ni Kristo sa kamatayan sa pagdiriwang ng Eukaristiya at sa pagtuon ng ating pansin sa mas mahahalagang bagay na naisasantabi natin dahil pagkabahala sa ibang pang araw araw na alalahanin. Naglalaan tayo ng panahon na palaguin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng panalangin at pagbabasa ng Banal na Kasularan. Pinahahalagahan natin ang ating pamilya. Ang araw na Linggo ay panahon upang maglaan ng panahon kasama ang pamilya. Pinababanal din natin ang Araw ng Panginoon sa paglilingkod sa kapwa. Ang paglingkuran ang kapwa ay paglilingkod sa Panginoon.
Sa mga susunod na sanlinggo, hindi tayo makakapaglingkod at makakapagtipon sa ating mga simbahan para sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Ngunit may iba pa tayong maaring pag-ukulan ng panahon. May pagkakataon na maglaan ng mas mahabang panahon para sa pamilya. Makiisa sa pagdiriwang ng Misa online kasama ang buong pamilya. Maaring magdasal ng rosary bilang isang pamilya at magbasa ng Salita ng Diyos kasama ang pamilya. May mga pamilya na napapalalim at napapatatag ng ugnayan sa isa’t isa dulot ng pagbabahaginan ng Salita ng Diyos. Maaring gugulin ang panahon na nasa tahanan ang lahat upang maglaro at magkuwentuhan kasama ang pamilya. Ang mga sandaling ito na puno ng kagalakan at kasiyahan ang papawi sa pagkainip at papahalagahan ng lahat, matanda man o bata, sa mga susunod na panahon.
Hindi tayo makakalabas ng bahay upang makapaglingkod sa simbahan at pamayanan sa panahon ng quarantine. Maari bang maging bahagi ng ating Linggo ang maglaan ng maibabahagi sa mga dukha at mga manggagawang arawan ang kita sa paligid natin? Maipagdiriwang ng masayang diwa ng Araw ng Panginoon at marami tayong matutulungan bilang simbahan kung ang bawat pamilya ay magbabahagi ng makakain o tulong pinansyal sa isa o dalawang tao sa kanilang pamayanan tuwing Linggo.
Mga minamahal na mga kaibigan, pabanalin natin ang Araw ng Panginoon sa ating mga tahanan sa panahong ito ng krisis. Huwag nating hayaan nakawin sa atin ng COVID 19 ang kaligayahang dulot ng Araw ng Panginoon. Ialay natin ang Linggo sa Panginoon sa pamamagitan ng sama samang pananalangin bilang pamilya, malugod na pagpapadama ng pagmamahal sa isa’t isa at pagsisikap na makatulong sa isa o dalawang taong nangangailangan sa ating pamayanan.
Nawa’y maranasan ng ating pamilya ang pakikilakbay at patnubay ng Banal na Mag-anak nila Hesus, Maria at Jose.
Sumasainyo kay Kristo,
+Obispo Broderick S. Pabillo
Tagapangasiwang Apostoliko ng Maynila
Marso 21, 2020