Sa mensaheng “Show Mercy to our Common Home” ni Papa Francisco noong ika-1 ng Setyembre, 2016, ipinapaalala niya sa atin na isa sa mga hakbang tungo sa nakapagbubuklod na pag-ibig at pangangalaga kay Inang Kalikasan bilang bahagi ng Kristiyanong pananampalataya ay ang pagsasagawa ng pagsusuri ng ating budhi o examination of conscience. Ibinabahagi namin sa inyo itong #Mercy2Earth Examen hango sa mensahe ng Santo Papa upang gabayan kayo sa prosesong ito. Hinango din ito sa pagsusuri ng budhi na binuo ni San Ignacio Loyola. Inaanyayahan namin kayong gamitin ito ngayong panahon ng Kuwaresma bilang pamamaraan ng pagpapalalim ng inyong bokasyon bilang tagapangalaga ng Sangnilikha.
Ang #Mercy2Earth Examen ay may anim na hakbang:
1. Manahan sa presensya ng Diyos.
2. Magpasalamat sa Diyos sa handog Niyang Kalikasan at sa lahat ng kanyang mga nilikha.
3. Magpasalamat sa Diyos sa handog Niyang Kalikasan at sa lahat ng kanyang mga nilikha.
4. Ihingi ng kapatawaran ang inyong mga naging pagkukulang sa pangangalaga kay Inang Kalikasan at sa lahat ng nilikha ng Diyos.
5. Magbalik-loob at magbago sa pamamagitan ng pananagutan na magsagawa ng mga konkretong bagay para kay Inang Kalikasan at para sa kapwa.
6. Magtapos sa isang panalangin
1. Manahan sa presensya ng Diyos.
“Sa pagdulog sa mapagpala at mahabaging Ama na naghihintay sa pagbabalik ng bawat anak Niya, maaari nating ihayag ang ating mga pagkakasala kay Inang Kalikasan, sa mga dukha at sa mga susunod na salinlahi.”
Bago kayo magsimula, maglaan ng panahon sa pag-aalaala na kayo ay nasa presensya ng mapagmahal na Manlilikha. Maaaring makatulong kung ipipikit ang mga mata, makailang beses na huminga ng malalim, mag-alay ng panalangin at hingin ang biyaya ng malalim na pakikinig sa Salita ng Diyos na nananahan sainyong kaloob-looban.
2. Magpasalamat sa Diyos sa handog Niyang Kalikasan at sa lahat ng kanyang mga nilikha.
“Ang unang hakbang…kinakailangan ang pasasalamat at pagtanggap nang walang kabayaran, pagkilala na ang buong mundo ay handog ng mapagmahal na Diyos.”
Mag-alay ng pasasalamat sa maraming pamamaraan ng Diyos na ikaw ay kanyang pinagpala sa pamamagitan ng kanyang Sangnilikha. Maaaring ito ang iyong almusal, ang tubig na ‘yong iniinom…o ang iyong paboritong puno, ang huni ng mga ibon, o isang lugar sa kalikasan na mahalaga sa iyo.
Magpasalamat sa mga taong bahagi ng yong buhay, sa nakaraan at sa kasalukuyan. Maaring maalaala mo ang mga taong nagpalaki saiyo, ang ‘yong mga magulang, ang ‘yong mga guro, ang mga taong naging daan upang ikaw ay magkaroon ng makakain at maisusuot, at marami pang iba. Inaanyayahan tayo ni Papa Francisco na magkaroon ng “puspos ng pagmamahal na kabatiran na tayo ay hindi hiwalay sa kalikasan, bagkus tayong lahat, sa buong santinakpan, ay magkakaugnay. “Ang ating buhay ay kasing-kaugnay at kasing-nananangan sa napakaraming tao.
3. Pagnilayan ang mga naging daan upang mapakinggan ninyo ang daing ng Inang Kalikasan at ang daing ng mga dukkha
“Yayamang lahat tayo ay bahagi ng pagkasira ng kalikasan, lahat tayo ay tinatawag na angkinin ang ating naging kontribusyon, maliit man o malaki, sa pagkawasak ng mundo.”
Maglaan ng panahon na pagnilayan ang mga sumusunod na katanungan ni Papa Francisco sa kanyang mensahe:
Batid ko ba ang daing ng Inang Kalikasan at daing ng mga dukha? Alam ko ba kung paano naghihirap ang ating kapaligiran, ang mga halaman at ang mga hayop? Naglalaan ba ako ng panahon na pag-aralan ang tunay na kalagayang pang-sosyal at pang-ekonomiya na kinakaharap ng marami sa buong daigdig?
Sa paanong pamamaraan ako kusang nagsusumikap na pangalagaan ang Inang Kalikasan at kapwa ko mga nilikha? Sa paanong pamamaraan naman ako nagkulang?
Paano ako makakatulong sa pagwawasto ng mga nakaraan at kasalukuyang kawalan ng pagbibigayan sa pagitan ng mga relihiyon, sa mga di makatarungang pakikipag-ugnayan natin sa mga taong iba ang paniniwala sa atin, sa mga kababaihan, sa mga katutubo, sa mga dukha, sa mga di pa isinisilang?
4. Ihingi ng kapatawaran ang inyong mga naging pagkukulang sa pangangalaga kay Inang Kalikasan at sa lahat ng nilikha ng Diyos.
“Pagkatapos ng taimtim na pagsususri ng budhi at pagkapukaw ng wagas na pagsisisi, maari nating ihayag ang ating pagkakasala sa Maylikha, sa Inang Kalikasan, at sa ating mga kapatid at kapwa.”
Idulog sa Diyos ang inyong mga pagkukulang sa pangangalaga sa ating Nag-iisang Tahanan at hingin ang kapatawaran.
5. Magbalik-loob at magbago
“Ang pagsusuri ng budhi, pagsisisi at pagpapahayag ng ating mga pagkukulang sa Ama na puspos ng habag at awa ay maghahatid sa atin sa matatag na pagnanasang magbalik-loob at magbago. Kinakailangang ito ay masalamin sa mga konkretong pananaw at pagkilos na may puspos na paggalang kay Inang Kalikasan.”
Manalangin sa Diyos at hingin ang biyayang matanto kung paano Niya kayo inaanyayahan na mas higit na pangalagaan ang Inag Kalikasan, ang mga dukha, at ang mga sususnod na salinlahi. Sa kanyang mensahe, ibinibigay ng Papa Francisco ang mga sumusunod na gabay:
“Bilang isang pagkakawang-gawa, ang pangangalaga sa ating Nag-iisang Tahanan ay nangangailangan ng “pang-araw-araw na pangkaraniwang mga gawain na sasalangsang sa katwiran ng karahasan, pagsasamantala at pagkamakasarili” at “naipadarama nito sa bawat pagkilos ang paghahangad ng mas magandang mundo…Ang katanungang ito ay makakapagpanatili sa atin na nakapokus sa ating hangarin: Anong kalagayan ng mundo ang ninanais nating iwanan sa mga kabataan ngayon at sa mga susunod pang salinlahi?”
Anong mga personal at pangkomunidad na pagbabago ang maari ninyong gawin upang mas higit na mapangalagaan ang ating Nag-iisang Tahanan at ang lahat ng kasalukuyang naninirahan dito at manininrahan pa dito sa hinaharap?
6. Pagtatapos na Panalangin
Tapusin ang pagsusuri sa pamamagitan ng pagpapasalamat sa mahabaging pag-ibig na natanggap ninyo sa mga sandaling ito at dasalin ang huling panalangin sa mensahe ni Papa Francisco:
Diyos ng mga dukha,
tulungan mo kaming kalingain ang mga napapabayaan
at nakakaligtaang nilalang dito sa mundo,
na napakahalaga saiyong paningin…
Diyos ng pag-ibig, ipakita mo sa amin ang aming kinalalagyan sa mundO
bilang mga daluyan ng iyong pag-ibig
para sa lahat mong nilalang,
Diyos ng habag at awa, nawa’y matanggap namin ang iyong kapatawaran
at maihatid namin ang iyong habag sa lahat ng dako ng aming Nag-iisang Tahanan.
Amen.
“May the works of mercy also include care for our common home “
Pope Francis
Global Catholic Climate Movement – Pilipinas
Rm.206, One Annapolis Building, #5 Annapolis Street, Cubao, Quezon City; gccmpilipinas@gmail.com; 09090658487