Pahayag ng KILUS Magniniyog

Sagot ni Duterte sa Kahirapan sa Niyugan: Pagbasura sa panukalang batas sa coco levy?

Kaming mga maliliit na magniniyog na paloob sa siyam (9) na pambansang pederasyon ng mga magsasaka at dalawang (2) non-government organizations sa ilalim ng koalisyon ng Kilusan para sa Ugnayan ng mga Samahang Magniniyog (KILUS Magniniyog) ay lubhang nababahala sa lumalalang kahirapan sa niyugan, at ngayon sa pagbasura ni Duterte sa panukalang PCA Reconstitution.

KAHIRAPAN SA NIYUGAN, LUMALALA

Ilang buwan nang bagsak ang presyo ng kopra ngayon na binibili ng mga kumpanya ng langis at siyang batayan ng presyuhan ng mga nagkokopra at nagbebenta ng whole nut.

Tinatayang kasing-baba ng Php 12 ang farmgate price ng kada kilo ng kopra ngayon sa Samar at Php 15.18 naman sa Quezon. Kung ipagbebenta ang whole nut, lalagapak ang presyo sa 3 pesos kada whole nut sa Samar at 4.50 pesos sa Quezon.

Malinaw na kumikitil sa buhay naming mga magniniyog ang ganitong kababang presyo ng aming produkto. Ang sanhi: ang pagkatali ng lokal na pamilihan ng kopra sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sa panukalang batas na Coconut Farmers and Industry Development Act, nakapaloob ang isang pagtingin na ang magniniyog ay maaaring kumalas sa pagkakadena sa pagkokopra at traders. Sa aming pag-aaral, kung magkakaroon ng sapat na suporta mula sa gobyerno, marami pang ibang produkto ang maaaring pakinabangan sa niyog: langis, tubig, harina, asukal, mga coco fiber-based products at iba pa.

Kung kailan higit na kailangan ang ganitong pagbabago sa industriya ng niyog ay ito namang lantarang pagsagka ni Duterte sa pagsasabatas ng mga mahahalagang panukala kagaya ng Coconut Farmers and Industry Development Act.

Ang panukala naming magtatag ng isang Trust Fund na mayroong ganitong pagtingin sa industriya ang aming inaasahang magbibigay ng pangkabuhayan at negosyo sa mga magniniyog at magbibigay kapangyarihan sa sektor sa pamamagitan ng representasyon nito sa paggamit, pangangasiwa at administrasyon ng naibalik na coco levy funds.

Malinaw sa amin na sa kadahilanang binasura ni Duterte ang panukalang batas na kapatid ng Coconut Farmers and Industry Development Act ay numinipis ang pagkakataong umahon pa sa hirap sa ilalim ng administrasyong ito ang milyun-milyong magninyog.

KANINONG INTERES BA TALAGA ANG PAG-VETO?

Sinasabi ng Pangulo na ginawa niya ang pag-veto upang protektahan ang interes ng mga magniniyog. Aniya, kinakailangan ng mga safeguards upang maprotektahan ang pondo.

Mula pa kampanya, maraming pagkakataon si Duterte na ihain ang anumang mungkahi sa Coconut Farmers and Industry Trust Fund:

• 2016 pumirma si noo’y kandidatong Duterte sa isang ‘social pact’ kasama ang mga magniniyog na mapapakinabangan ng mga magniniyog ang coco levy sa loob ng 100 araw • 2017 listed as priority legislation sa Legislative – Executive Development Advisory Council (LEDAC)

• 2018 Nabanggit ni Duterte ang coco levy bill sa kanyang State of the Nation Address (SONA)

• 2018 Ipinasa ng bicameral conference committee ang kanilang bersyon ng Coconut Farmers and Industry Development Act kung saan minandato ang PCA bilang tagapangasiwa ng pondo

• Dec 2018 ibinalik ng Malacanang ang nasabing batas, inamyenda muli ng bicam at saka isinumite sa opisina ng pangulo

• Feb 2019 vineto ni Duterte ang PCA Reconstitution bill

Kung talagang nasa interes niya ang interes ng magniniyog, bakit hindi niya binanggit ang mga katanggap-tanggap na pag-“safeguard” sa pondong ito habang umuusad ang proseso sa Kongreso? Wala siyang tukoy na sinabi tungkol dito.

Hanggang hindi nagsasalita ang Pangulo sa kung ano ang mga safeguards na ito, katulad ng PAGTATATAG NG ISANG TRUST FUND COMMITTEE na siya namang matagal nang mungkahi ng sektor at siya ring bitbit ng mga magniniyog nang mag-martsa mula Davao hanggang Maynila noong 2014—titingnan namin ang anumang labas dito bilang pambobola lamang sapagkat kung mayroon mang nakikinabang sa kanyang pag-veto, ito ANG MGA ELITISTA NA NANGUNA SA COCO LEVY SCAM na silang naghahangad na huwag mapakinabangan ng mga maliliit at mahihirap na magniniyog ang coco levy.

Sa kanyang pagbasura sa panukalang batas, ang interes ng iilang nanguna sa coco levy scam ang protektado, hindi interes ng lahat ng mga magniniyog.

Isang nagdudumilat na katotohanan sa ngayon na dahil sa pagbasura ni Duterte sa panukalang batas, imbis na makamit ang inaasam ng mga magniniyog na makaahon sa kumunoy ng kahirapan ay kapalit higit pang pagkalugmok sa kahirapan at kagutuman. ###

Comments are closed.