SIMBAHANG LINGKOD NG BAYAN
The Socio Political Apostolate of the Society of Jesus in the Philippines
MANALANGIN. MANINDIGAN. MAKIALAM.
Paunang Salita
Hindi tamang sabihin na walang alam ang Simbahan sa mga problema at isyu na nakaka-apekto sa ating bansa. Ang totoo, marami ng pagkakataon na mismong mga politiko, lipunang sibil at iba pang mga pampubliko at pribadong grupo ang kumonsulta at humingi na ng payo sa mga obispo at pari kung paano bibigyan ng solusyon ang napakaraming suliranin ng ating bayan.
Sa kabila nito, inaamin din naman ng Simbahan na hindi siya eksperto sa lahat ng bagay at hindi ito makakapagbigay ng lunas sa lahat ng suliranin sa lipunan. Ang isa sa maaari nitong gawin ay turuan ang taong-bayan na maging matatag sa kanilang moral na paninindigan at bigyan sila ng katiyakan na ang pakikisangkot ng Simbahan ay bunsod lamang ng kanyang hangaring makamtan ang panlahatang kabutihan.
Kung nangangaral at may mga pagkilos man ang Simbahan, lagi nitong isinasa-alang-alang ang interes ng taong-bayan. Ang kanyang pakikilahok sa mga usaping pang-lipunan ay hindi upang isulong ang anumang balakin nito bilang isang institusyon o di kaya’y ito’y bunsod ng mga pansariling hangarin lamang.
Napaka-kitid naman ng ating pang-unawa kung ang mga isyu, sabihin pang ang mga ito ay politikal, ay titingnan at uunawain lamang natin sa aspetong pang-politika. Ang pangunahing tanong ayon kay Papa Benito XVI ay, “Paano nga ba magiging positibong impluwensiya ang Kristiyanismo sa mundo ng politika na hindi naman ito magiging instrumentong pang-politikal at hindi rin nito panghihimasukan ang mundo ng politika para sa kanyang pansariling kapakanan’’?
Sa paggawa ng “primer” na ito tungkol sa Pederalismo, ang Arkidiyosesis ng Manila ay hindi namumulitika o uma-aktong parang politiko na ang tanging hangad lamang ay malagpasan ang mga politikal na hamon at iba pang mga masalimuot na sitwasyon ng partido, bagkus ginagampanan ng Simbahan ang pagiging boses ng konsensiya na ang tanging hangad lamang ay mag-alok o magbigay ng mga moral na argumento o pananaw tungkol sa ikabubuti o (di-ikabubuti) ng Pederalismo.
Ang papel ng Simbahan sa gawaing ito ay malinaw na isinalarawan ni Papa Benito XVI ng kanyang sinabi, “Ang konsensiya ay talaga namang walang kapangyarihan, subalit sa ganyan mismong kadahilanan, nililimitahan niya ang kapangyahiran at ipinagtatanggol ang mga walang kapangyarihan”.
Ano ang Federalismo?
Ang federalismo ay isang anyo ng pamahalaan kung saan nagbabahagi ang Sentral na Pamahalaan (Central Government) ng makabuluhang kapangyarihan, tungkulin, at mga responsibilidad sa mga yunit ng Lokal na Pamahalan (Local Government Units). Sa sistemang ito, tinatawag na Federal o Pambansang Pamahalaan ang Sentral na Pamahalaan samantalang tinatawag namang Mga Estado o Rehiyon ang mga yunit ng Lokal na Pamahalaan, sa anyong ito, ang mga Estado at Rehiyon ay may sapat na awtonomya at kalayaan sa sariling pamamahala. Maaari silang magkaroon ng sariling batasan at mataas na hukuman. Ngunit may mga pangkalahatang kapangyarihang tanging ang Federal na Pamahalaan lamang ang maaaring gumamit tulad ng pambansang seguridad at pambanyagang diplomasya. Maaaring ihalintulad ito sa isang asosasyong pampurok tulad ng homeowners association kung saan independiyente ang bawat pamilya at kabahayan ngunit bumubuo sila ng isang malaking grupo upang tugunan ang pangkalahatang suliranin tulad ng seguridad at pagtatapon ng basura. Bilang buod, ang Federalismo ay tungkol sa pagsasalo sa kapangyarihan ng Sentral na Pamahalaan at mga awtonomo o independiyenteng Rehiyon o Estado: “kalayaan sa sariling pamamahala at magkasalong pamamahala.”
Paano ito naiiba sa kung anong mayroon tayo ngayon?
Sa paglipas ng mga dantaon, naisailalim ang Filipinas sa unitaryong anyo ng pamahalaan. Sa sistemang ito, ang buong bansa ay tinitingnan bilang isa, nagkakaisa, at di-mapaghihiwalay na politikal na yunit.
Ang pangunahing nagpapatakbo sa bansa ay ang Pambansang Pamahalaan kung saan konsentrado ang malaking kapangyarihan, tungkulin at mga responsibilidad.
Gayunpaman, ibinababa o ihinihirang ang ilang kapangyarihang pampolitika at pang-ekonomiya sa mabababang nibel ng pamahalaan o mga yunit ng Lokal na Pamahalaan – mga Lalawigan, Lungsod, Munisipalidad, at Barangay. Ang mga yunit na ito ay nananagutan pa rin sa Pambansang Pamahalaan, na maitutulad sa isang lokal na sangay o prangkisa ng isang kompanya sa pambansang tanggapan nito.
May iba-ibang uri o anyo ba ng Federalismo?
Ang mga Federasyon o Federal na Bansa ay nagkakaiba-iba ayon sa layon ng pagsasama-sama ng mga Estado.
- Ang layon ay maaaring kultural, kung saan ang mga estado o lalawigan ay nabubuo ayon sa kanilang pangkat etniko, relihiyon, o wika, tulad ng sa kaso ng Kanada, Espanya, at Belhika. O ang layon ay maaaring ayon sa teritoryo, kung magkakadikit o magkakasunod lamang ang mga estado, tulad ng sa kaso ng Estados Unidos.
- Ikalawa, nagkakaiba-iba rin ang federalismo ayon sa anyo ng pamahalaan kung saan maaari itong umusbong. Maaari itong maging Pampanguluhan kung saan inihahalal ang Pangulo bilang puno ng pamahalaan, o Parlyamentaryo kung saan pinipili ng Batasan (ang Kongreso o ang Parlamento) ang Punong Ministro bilang puno ng pamahalaan.
- Ikatlo, nagkakaiba-iba ang federalismo ayon sa uri ng kapangyarihan na pinagsasaluhan ng Federal na Pamahalaan at mga Estado at Rehiyon. Sa ibang modelo ng federalismo, may kapangyarihan sa paggawa ng batas ang mga Estado na maaari din nilang isakatuparan, samantalang sa ibang federasyon, may administratibong tungkulin lamang ang mga Estado, kung saan maaari lamang silang magpatupad ng batas.
Anong mga bansa ang naisasailalim na sa Federalismo?
Mayroong dalawampu’t pitong (27) federasyon sa buong mundo, na bumubuo sa higit na 40 bahagdan ng kabuoang populasyon nito.
Ilan sa mga kilalang bansang federal ay ang Estados Unidos (mula 1789), Kanada (1867), Alemanya (1948), Suwisa (1848), Arhentina (1853), Rusya (1993), Australya (1901), Indiya (1950), at Malaysia (1963).
Anong uri ng Federalismo ang ipinapanukala ng kasalukuyang pamahalaan?
Ipinapanukala ng Consultative Committee, komiteng binuo ng Pangulo upang pag-aralan ang Konstitusyon at magmungkahi ng mga pagbabagong kinakailangan upang maisulong ang federal na anyo ng pamahalaan, ang Modelong Federal-Pampanguluhan (Federal-Presidential Model).
Sa ilalim ng modelong itong itinulad sa Sistemang Federal ng Estados Unidos, maghahalal pa rin ang bansa ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, at ng dalawang kamarang pambatasan (Kongreso at Senado).
Ang isang paksa ng debate ay kung paano bubuoin ang mga Estado o Rehiyon base sa kasalukuyang ayos ng mga politikal na teritoryo. Sa isang dulo ng talakayan, iminumungkahi ng ilan ang pagkakaroon lamang ng tatlong Estado (Luzon, Visayas, at Mindanao), at sa kabilang dulo naman ay 81 Estado mula sa 81 kasalukuyang lalawigan.
Bakit ipinapanukala ng kasalukuyang pamahalaan ang pagtulak sa Federalismo?
Sa kaniyang mga talumpati, nagbanggit si Pangulong Rodrigo Duterte ng iba’t ibang dahilan ng agarang pagtulak sa Federalismo sa bansa.
Una, “katiting” lamang ang nakukuhang halaga o yamang pinansiyal ng mga yunit ng Lokal na Pamahalaan (LGUs) mula sa Pambansang Pamahalaan sa Maynila kumpara sa ibinibigay ng una sa huli. Bilang halimbawa, aniya, ang Davao ay nagbibigay ng P5 bilyon kada buwan ngunit nakatatanggap lamang ng P2 bilyon pabalik. Sa katunayan, binibigyan lamang ang mga LGU ng 40 bahagdan ng kabuoang buwis na kinokolekta ng Kawanihan ng Rentas Internas. Kung isusulong ang Federalismo, aniya, ang lahat ng ito ay mababaligtad –makagagamit ang bawat LGU ng 70 bahagdan ng kita nito at kailangan lamang nilang magbigay ng 30 bahagdan sa Federal na Pamahalaan.
Ikalawa, sinasabi din ni Pangulong Duterte na ang Sistemang Unitaryo, kung saan ang mga kapangyarihan ay napupunta lamang sa Pambansang Pamahalaan sa Maynila, ay malapit sa katiwalian. Tanging ang Pangulo lamang sa Malacañang at ang mga kaalyado nito sa Kongreso ang nakapagpapasya kung paano naipamamahagi ang badget at ang ilang bahagi nito ay napupunta lamang sa kanilang mga bulsa at pansariling proyekto, wika niya.
Ikatlo, mabibigyan ng Federalismo, ani Duterte, ng lakas ang mga LGU na isakatuparan ang kanilang sariling direksiyong pang-ekonomiya. “Maaari nilang imbitahan nang direkta ang mga namumuhunang dayuhan. Mapupuksa nito ang pagkagahaman ng burukrasya. Nakukuha ng Maynila ang lahat kaya’t napipilitan ang mga rehiyon na manlimos. Ang benepisyo ng federalismo, ikaw na ang direktang pupunta. Hindi na kailangang dumaan pa sa DOTC at NEDA.”
Ikahuli, para sa Pangulo, ang makabuluhang awtonomya na ipagkakaloob ng Federalismo sa mga LGU ang sagot sa separatistang hangarin ng mga grupong Muslim sa Mindanao. Madalas niyang nababanggit sa kampanya, “Tiyak na makapagdadala ang federalismo ng kapayapaan sa Mindanao.”
Bakit tinututulan ng ilang sektor ang federal na anyo ng pamahalaan?
Bagaman ang Administrasyong Duterte ay kumbinsido sa mga benepisyo ng Federalismo para sa Filipinas, nagpahayag ang ibang mga sektor sa akademya at lipunang sibil ng pagtutol sa planong paglipat dito. Mismong ang dating Chief Justice Hilario Davide ang tumawag dito bilang “paglukso sa impyerno”.
Ang mga dahilang sinasabi ng mga tutol sa paglipat sa Federalismo ay ang mga sumusunod:
Una, ang desentralisasyon, na pinaniniwalaang pangunahing benepisyo ng federalismo, ay hindi ginagarantiya ng federalism.
Sinulat ni Dr. Cielito Habito, dating puno ng NEDA: “Ang pangunahing punto ay hindi nangangahulugan ng mas malawig na desentralisasyon ang federalismo. May mga federal na pamahalaan na mas hindi desentralisado kumpara sa mga sistemang unitaryo, at katabi lamang ng bansa ang mga pangunahing halimbawa. Inilalarawan ang Malaysia bilang isang sentralisadong federal na sistema kung saan ang mga kasaping estado nito ay may maliit lamang na papel kumpara sa sentro. Sa isang banda, ang Indonesiya ay may mataas na nibel ng desentralisasyon kahit na ito ay naisasailalim sa unitaryo at pampanguluhang sistema. Naglalaro ang saklaw ng mga federal na sistema mula sa labis na sentralisado (tulad ng Beneswela) hanggang sa labis na desentralisado (Noruwega). Kung mas malakas na desentralisasyon ang hangad, hindi kinakailangang federalismo ang paraan.”
Ikalawa, may malaking pagkabahala na magdudulot ang federalismo ng mas malawak na dibisyon at kaguluhan sa Filipinas. Kinatatakutan na mas mapagtitibay ang mga dinastiyang politikal at mga pinunong may armadong grupo sa itatayong mga bagong Estado o Rehiyon. Tinataya ng Ateneo School of Government na apat sa limang kasapi ng Kongreso ang kabilang sa mga pamilya o dinastiyang politikal. Ayon kay Propesor Roland Simbulan ng Center for People Empowerment in Governance, “may 178 na dominanteng dinastiyang politikal sa Filipinas, kung saan 94 na bahagdan ng ating mga lalawigan ang may dinastiyang politikal (73 sa kabuoang 80 lalawigan).” Kinatatakutan na ang makakapangyarihang dinastiya ay maghahari pa rin kahit sa bagong sistema.
Ikatlo, ang paghahati ng bansa sa iba’t ibang estado ay maaaring magdulot ng kaguluhan. Ang mas mayayamang lalawigan ay hindi hahangaring sumama sa mga mas mahihirap na lalawigan. Habang ang mga Estado o Rehiyon ay may kapangyarihang mamahala sa kani-kanilang sarili, maaaring hindi pantay-pantay pa rin ang pag-unlad ng mga ito. Patuloy na yayaman ang ilan at lalong hihirap pa ang iba.
Ikaapat, higit na lalaki ang burukrasya ng pamahalaan dahil ang bawat Estado o Rehiyon ay mayroong kani-kaniyang kagawarang pang-ehekutibo, mataas ng hukuman, at batasan. * Lolobo ang bilang ng mga bagong mambabatas sa libo-libo, idagdag pa ang kanilang mga kawani. At natural na ang lumalaking burukrasya ay mangangailangan ng gahiganteng gastos. Tinataya ng Philippine Institute for Development Studies na ang halaga ng gagastusin ay P44 hanggang P72 bilyon, hindi pa kasama ang para sa mga kawani ng sangay ng hudikatura. Puna ni Habito, “Hindi ba lilikha lamang tayo ng pamahalaan ng mga politiko, ayon sa mga politiko, at para sa mga politiko?”
Ikahuli, kahit pa ibinabandera ng pamahalaan ang Federalismo bilang pangunahing lunas sa separatistang hangarin ng ilang Muslim sa Mindanao, hindi ito ganoon kasimple. Ebidensiya dito ang palpak na eksperimento ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM). Pumalpak rin ang panukalang pagbuo ng Estadong Muslim sa pag-unawa na walang iisa lamang na bansang Muslim kundi marahil ay “mga bansa”.
Paano tayo lilipat sa anyong ito ng pamahalaan?
Ang kinakailangan sa paglipat tungong Federalismo ay walang iba kundi ang pagbabago ng Konstitusyon (Constitutional/Charter Change o Cha-Cha), dahil ang paglipat na ito ay nangangailangan ng masaklaw, radikal, at malawakang pagbabago sa sistemang politikal ng bansa.
May tatlong paraan upang baguhin ang Konstitusyon.
Una, maaaring magtawag ng kapulungan (Constitutional Convention) ang Kongreso; o ikalawa, ang dalawang kamara ay maaaring bumuo ng isang Constitutional Assembly; ikahuli, maaaring magpanukala ang mga mamamayan sa pamamagitan ng tinatawag na “People’s Initiative”.
Sa anumang paraang pipiliin, kinakailangang dumaan ang mga panukalang susog sa isang Plebisito. Sa kasalukuyan, naghirang ang Administrasyon ng isang Consultative Committee upang magmungkahi ng mga pagsusog sa Konstitusyon na kinakailangan sa paglipat tungong Federalismo.
Bagaman hindi magkasundo ang Kamara de Representante at ang Senado kung magtatawag ba ng Constitutional Convention o magbubuo sila ng Constitutional Assembly, inaasahan na ang mga panukala ng Komite ay ipepresinta sa isang plebisito sa darating na Oktubre.
Ano ang posisyon ng simbahan ukol sa federalismo?
Una, bilang pangunahing gabay, base sa makasaysayang tradisyon ng Catholic Social Teaching, walang kinikilingang sistemang politikal ang Simbahan. Nagpapahayag lamang ito ng suporta sa Demokrasya sapagkat tinatatag at pinangangalagaan nito ang kalayaan at dangal ng tao, na siyang mga prinsipyong pinahahalagahan din ng Simbahan.
Ikalawa, sa isyu ng Charter Change, naglabas ng pahayag ang Catholic Bishops Conference of the Philippines noong Enero na nagpapahayag ng kanilang suporta sa 1987 Konstitusyon, at nagsasabing kung matutuloy ang Charter Change, kinakailangang siguraduhing lehitimo ang buong proseso at humihikayat ito sa aktibong pakikisangkot ng mga mamamayan.
Ikatlo, sa parehong pahayag, nakikita ng mga Obispo na hindi kailangan ang mga pagkilos tungong Federalismo sa panahong ito. Ayon sa kanilang sinulat: “Ang tanong namin: kailangan bang baguhin ang Konstitusyon upang makapagbahagi ng kapangyarihan? Maraming eksperto sa konstitusyon at batas ang nagsasabing hindi. Ang kinakailangan sa tunay na pagbabahagi ng kapangyarihan, ayon sa kanila, ay ang ganap na pagsasakatuparan ng Konstitusyon, ang paglikha ng mga nakapangyayaring batas, at ilang rebisyon sa Local Government Code, at mas mapagpasyang pagpapatupad ng Indigenous Peoples’ Rights Act. Ang mga ito lamang, ayon sa kanilang paniniwala, ang makapaninigurado na ang kalayaan sa pagpapasya sa sarili at desentralisasyon ng kapangyarihang politikal at pinansiyal ay tunay na maisasakatuparan.”
Ikahuli, anila, hindi ito tungkol lamang sa mga estruktura kundi sa mga taong nagpapatakbo ng mga estrukturang ito. “Napakinggan din namin ang palagay ng mga taong naniniwala na ang ganap na lunas sa hinahanap natin ay pagbabagong-anyo ng ating kulturang pampolitika, ang pagbuwag sa mga kaisipang politikal tulad ng pagkiling sa mga personalidad, pamemera, at palakasan – isang kulturang namalagi na sa kasalukuyang estruktura at mga nakasanayang gawi. Kung walang pagbabagong-loob, ang bagong politikal na daloy ng Charter Change ay mananatili lamang sa parehong daluyan, at sa huli’y lulunod lamang sa pag-asang magkaroon ng panibagong kulturang pampolitika.”
Ano ang maaari nating gawin bilang mamamayan sa debateng ito?
Kinakailangang makialam ng bawat Pilipino sa debateng ito dahil malaki ang nakataya. Kagaya ng babala ni Attorney Christian Monsod, kasapi ng 1986 Constitutional Commission, kung magpatuloy ang pagbabago sa Konstitusyon upang maging daan para sa Federalismo, magiging mahirap ang pagbalik sa dati ng mga radikal na pagbabago. Anuman ang posisyon ng bawat isa sa isyung ito, kinakailangang tiyakin na siya ay may sapat na kaalaman sa pagiging komplikado ng isyu.
Isa pa, bilang apela, iminumungkahi sa mga mamamayan ng mga Obispo sa kanilang Pastoral Statement na “bumuo o buhaying muli ang mga grupo ng pagninilay (circles of discernment) at gamitin ang kalayaan bilang mga anak ng Diyos na magnilay, makialam, makipagtalakyan, at makipagdebate. Magkaroon ng malay ng konsiyensiya at magpasya ayon sa liwanag ng turo ng Ebanghelyo. Gawin ang dapat. Himukin ang mga mambabatas na gawin lamang ang tunay na para sa ikabubuti ng lahat.”
Reference:
Araral, Eduardo, Jr., et al. Debate on Federal Philippines: A Citizen’s Handbook. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2017.
Loyola House of Studies, Ateneo de Manila University
Loyola Heights 1108 Quezon City, Philippines
Tel no: (02) 426-6101 local 3440/3441
Telefax no: (02) 426-5968
E-mail: communications@slb.ph | slb@admu.edu.ph
Sa tingin ko po, kung maayos na maipatutupad ang federalismo, makabubuti ito sa bansa. Kung hindi nan ay mas lalo pa nitong mapapalala ang kalagayan ng Pilipinas.
Binigyang kahulugan din po ang federalismo at ano ang maaring maging epekto nito sa Pilipinas sa artikulong nasa baba :).
https://www.pinoynewbie.com/2018/08/26/federalismo-kahulugan-posibleng-epekto-pilipinas/