Liham Pastoral Ng Kapulungan Ng Mga Obispo Ng Pilipinas (Salin sa Filipino)
“Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa Kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos.” (Mat 5:9)
Minamahal naming mga kapatid kay Kristo, hindi ba‘t lahat tayo’y naghahangad ng biyayang maging mga anak ng Diyos? Kung gayon nga, dapat nating laging pagsumikapan ang maging daan ng kapayapaan sa mga panahong ito ng pagkabalisa sa ating bansa.
Kapayapaan: Ang Ating Pangkalahatang Bokasyon At Misyon
Sa mga panahong ito ng kadiliman at karahasan, panahon ng halos araw-araw na patayan, panahon ng palitan ng mga panlalait at masasakit na salita lalo na sa “social media,” nananawagan kami sa mga mananampalataya na manatiling tapat sa ating pinag-isang bokasyon at misyon na maging masigasig na tagapamagitan ng kapayapaan.
Ngunit huwag tayong magkamali ng pag-unawa dito; di ba’t sinabi ng ating Panginoon, “Kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng mundo ang ibinibigay ko sa inyo” (Juan 14:27). Ang kapayapaan para sa kanya ay hindi pakikikutsaba o pagsuko sa kasamaan; hindi rin ito tungkol sa kawalan ng hidwaan at kaguluhan.
Walang makapagdudulot sa atin ng kapanatagan ng loob sa mga panahong ito ng pagsubok kundi ang tahimik na pagkilala sa Kanya na nangakong kasama natin siyang lagi, “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot!” (Mat. 14:27).
Ang Halaga ng Pagpapatotoo kay Kristo
Ano ang bago tungkol sa mga paring pinapaslang dahil sa kanilang pagpapatotoo kay Kristo? Ano ang bago tungkol sa mga propeta ng ating panahon na pinatatahimik ng mga traydor na bala ng mga mamamatay-tao? Ano ang bago tungkol sa mga pinunong-lingkod na nilalait dahil sa pagtataguyod nila ng kanilang tungkulin bilang mga pastol na sumusunod sa huwaran ng kanilang Punong Pastol? Nakalimutan na ba ninyo na “ang dugo ng mga martir ay binhi ng mga Kristiyano?” (Tertullian) Ito ang nagpanatiling-buhay sa Simbahan sa nakaraang dalawang-libong taon. Kaya huwag matakot! Hindi ba sinabi ng ating Panginoon, “Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno.” (Mat. 10:28).
Hindi na bago sa atin ang hamakin at tuligsain. At anong sinasabi ng Panginoon sa kanyang mga alagad kapag sila’y tinutuligsa at hinahamak ng dahil sa kanya? Sinasabi niyang “Magsaya kayo at magalak” (Mat. 5:12). Ito rin ang mga pananalitang ginamit ng ating Papa Francisco sa panimula ng kanyang Apostolic Exhortation “Gaudete et Exsultate”. Ito ang pananalita ng ating Panginoon sa mga tinutuligsa at hinahamak alang-alang sa kanya. Paano tayo tinuturuang harapin ang mga pagtuligsa sa atin? Pakinggan natin ang sinabi ni Apostol San Pablo, “Inaalipusta kami at nagsasalita naman kami nang maayos; inuusig kami at kami nama’y nagtitiis. Kapag sinisiraan, kami’y nakikipag-ayos” (1 Cor. 4:12-13).
At paano natin haharapin ang pagkakahati-hati natin? Paano natin pakikisamahan ang kapwa nating “Kristiyano” na walang nakikitang masama sa pagpatay, na tumatawa na lamang sa tuwing ang Diyos ay nilalapastangan, at nakikiisa sa pagkakalat ng fake news o maling balita? Laging mayroong ilan sa atin na bagama’t nagpapahayag ng kanilang pananampalataya kay Kristo ay nagagawa pa ring magpalinlang sa mga hungkag na mga pangako ni Satanas. Naaalala ba natin ang nagkanulo kay Hesus sa halagang tatlumpung pirasong pilak sapagkat hinayaan n’ya ang kanyang sarili na magpagamit kay Satanas? Tama si San Pablo nang kanyang sabihing, “Kailangan pa palang magkaroon ng mga pangkat sa inyo upang makilala ang mga tunay at subok na sa inyo” (ESV 1 Cor. 11:19).
Ang Pagdurusa ng mga Mahihirap
Walang sinabi ang ating mga pinagdaraanan sa mga pagdurusa bilang mga lider ng Simbahan kumpara sa pagdurusa ng mga dukha sa ating bansa. Hindi ba tayo nagdurusa kapag ang mga iskwater ay ikinukulong sa simpleng dahilan ng pag-iistambay? Hindi ba tayo nagdurusa kapag ang tingin sa mga adik ay “hindi tao”, at ang kanilang adiksyon ay itinuturing kaagad bilang krimen kapag ang kanilang pangalan ay napasama sa kinatatakutang “drug watch lists”? Hindi ba nararapat natin silang tingnan bilang mga maysakit na pinahihirapan ng kanilang karamdaman? Hindi ba dapata natin silang tingnan na mga biktima na nangangailangan ng tulong? Magsasawalang-kibo na lamang ba tayo sa tuwing may mga taong pinapatay at itinatapong parang basura na lamang? Hindi ba natin naiisip na sa bawat pinapatay na pinaghihinalaang gumagamit ng droga, mayroong asawang nababalo at mayroong mga anak na nauulila – na hindi man lamang mabigyan ng maayos na burol at libing ang kanilang mahal sa buhay?
Hindi ba tayo nababagabag sa matinding hirap ng mga taong naakusahan ng mga kaso tungkol sa droga na mistulang mga sardinas sa makipot na lata sa punung-puno nating mga kulungan? Nakakaya ba nating tingnan sila na naghihirap sa kulungan, gayong alam nating rehabilitasyon ang kailangan ng marami sa kanila? Hindi ba tayo nagdurusa kapag ating naririnig ang tungkol sa mga katutubo na natataboy sa kanilang mga lupain upang bigyang-daan ang negosyo ng mga minahan at mga dam? Hindi ba tayo nagdurusa kapag napipilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan ang mga pamayanan dahil sa takot na tamaan sila ng bala ng mga nagsasagupaang puwersa ng mga militar at rebelde? Hindi ba tayo nagdurusa tungkol sa kamatayang dulot ng patuloy na pagsasagupaan ng mga Pilipinong sundalo laban sa mga Pilipinong rebelde sa isang digmaang maaari namang lutasin sa mapayapang pag-uusap? May kasabihan tayo sa Tagalog: “Ang sakit daw ng kalingkingan ay ramdam ng buong katawan.” Hindi pala ito laging totoo. Paano nga ba makakaramdam ng sakit ang buong katawan kung namamanhid naman ang ibang mga bahagi nito dahil sa kawalan ng pakialam?
At sa mga hambog na nagyayabang ng kanilang sariling talino at lumalapastangan sa Diyos, napaka-angkop ng paalala ni San Pablo: “Mas marunong ang katangahan ng Diyos kaysa mga tao, at mas malakas pa ang kahinaan ng Diyos kaysa mga tao” (1 Cor 1:25).
Ang Daan ni Hesus
Hangad naming paalalahanan ang lahat ng mga nagagalit sa mga nakakainsultong pananalita ng mga taong nasa awtoridad. Alalahanin ninyo ang sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad. Sinabi n’ya, “Ngunit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig… pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ninyo ang tumatrato sa inyo nang masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila” (Lc. 6:27-29). Ang paghihiganti ay hindi kailanman pamamaraan ni Kristo. Hindi pamamaraan ni Hesus na suklian ng kasamaan ang kasamaan. “Huwag kang palupig sa masama kundi lupigin ng mabuti ang masama” (Rom 12:21).
Mayroong ilan na inaakusahan ang Simbahan ng pakikisangkot sa usaping pampulitika kaugnay ng deestabilisasyon ng kasalukuyang gobyerno. Wala itong katotohanan. Hindi kailanman naging layunin ng Simbahan ang pagbubuo ng mga makasanlibutang kaharian. Ang mga ito ay panandalian lamang. Sa halip, tayo’y gumagawa para sa Kaharian ng Diyos hindi lamang dito sa lupa, upang maranasan natin ang buhay “dito sa lupa para nang sa Langit” (Mat. 6:10). Sa mga sandali sa ating kasaysayan na natukso tayong kumilos para sa pampulitikang kapangyarihan, buong kapakumbabaan nating inaako ito at nagsisikap na hindi na muling mauulit pa! Hindi ipinapangaral ng Simbahan ang isang maling imahen ng Diyos na nakamasid lamang mula sa kalangitan tulad ng isang malupit na diyos na ang laging panakot ay kaparusahan sa impiyerno. Ang ating Diyos ay nagpahayag ng kanyang sarili sa pamamagitan ni Hesukristo – ang Diyos na Tagapagligtas, isang Diyos na puspos ng awa at habag, isang Diyos na pumasok sa ating kasaysayan, isang Diyos – na dahil sa kanyang pag-ibig sa atin – ay hinubad ang kanyang pagka-Diyos at “nagpakadukha para sa inyo upang yumaman kayo sa kanyang karukhaan” (2 Cor. 8:9).
Simbahan at Pamahalaan
Iginagalang ng Simbahan ang kapangyarihang pampulitika, lalo na ng mga opisyal na naluklok sa pamamagitan ng maka-demokrasyang pamamaraan, kung hindi nila sinasalungat ang mga pangunahing prinsipyong espirituwal at moral na ating iniingatan, tulad ng paggalang sa kabanalan ng buhay, ang integridad ng sangnilikha, at ang likas na dignidad ng tao. Hindi tayo ang namumuno sa pamahalaan at lalong hindi tayo kalaban ng ating pamahalaan. Ang Simbahan, sa paglipas ng ating kasaysayan, ay nagawang makipamuhay sa iba’t-ibang uri ng pamahalaan. Ang Simbahan ay nanatili at patuloy na mananatiling kaisa ng pamahalaan (lalo’t higit sa mga LGUs at mga barangay) sa hindi mabilang na mga adhikain para sa pangkalahatang kabutihan, lalo na sa pagtugon sa mga pangangailangan ng iba’t-ibang mga sektor na itinuturing na pinakaaba at dukha sa ating lipunan. Minsan, itinuturing nating kritikal ang ating pakikilahok sa hangarin ng iba upang ipakita ang pagkakaiba ng ating tuwirang layunin sa kanila. Kinikilala natin ang nakasaad sa konstitusyon ukol sa pagkakahiwalay ng simbahan at estado, patungkol sa diwa ng pagkakaiba ng ating gawain sa lipunan. Sa sandaling nagsasalita ang Simbahan sa ilang mga partikular na usaping panlipunan, ito ay laging nagmumula sa pananaw ng pananampalataya at moralidad, lalo’t higit sa prinsipyo ng social justice, at hindi kailanman dahil sa anumang pampulitikang hangarin o ideyolohiya.
Simbahan ng mga Makasalanan, Tinatawag sa Kabanalan
Inaamin namin ng buong kapakumbabaan na tayo ay Simbahan ng mga makasalanan na tinatawagan upang magbalik-loob at mabuhay sa kabanalan. Lubos kaming naninikluhod sa kapakumbabaan sa tuwing makaririnig kami ng pang-aabusong nagawa ng aming kapwa lingkod simbahan – lalo’t higit ang mga hinirang upang “kumilos sa katauhan ni Kristo.” Inaako namin ang pananagutan para sa kanilang nagawa at tinatanggap ang responsibilidad na ituwid ang kanilang pagkakamali – ayon na rin sa kautusan ng awtoridad ng Simbahang Katolika. Buong kapakumbabaan naming inaamin ang marami naming mga kahinaan at pagkukulang bilang tao. Subalit wala kaming dahilan upang pagtakpan ang aming mga kahinaan sa kadahilanang kami ay tao lamang, sapagkat ipinapahayag namin ang pananampalataya sa Diyos na yumakap din sa pagiging tao, upang ipakita ang halimbawa ng pagiging ganap sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng kanyang Anak na si Hesukristo. Nakasusumpong kami ng lakas mula kay San Pablo, na lubusang nanikluhod sa Diyos upang alisin ang kanyang kahinaan subalit nakatanggap lamang ng ganitong pangako, “Sapat na sa iyo ang biyaya ko; gumaganap nga sa kahinaan ang bisa ng aking kapangyarihan… Pagkat kung kailan ako mahina, saka ako malakas” (2 Cor. 12:9-10).
Panawagan sa Panalangin at Pag-Aayuno
Sa ika-16 ng Hulyo 2018, Kapistahan ng Mahal na Birhen del Carmen, ang bundok na siyang naging kublihan ng lakas ni Propeta Elias sa kanyang pagpapahayag tungkol sa Diyos (2 Hari 18), tayo’y maglaan ng isang araw ng panalangin at pag-aayuno, ng may pagluhog sa awa at katarungan ng Diyos para sa lahat ng mga paglapastangan sa kanyang Kabanal-banalang Ngalan, para sa lahat ng mga paninirang-puri at maling pagsaksi ng marami, at para sa lahat ng kumitil ng buhay at sumasang-ayon sa pagpatay bilang paraan ng pagsugpo ng kriminalidad sa ating bansa. Inaanyayahan namin kayong makiisa sa amin, ang inyong mga obispo, sa tatlong araw na panalangin, pag-aayuno at pagkakawang-gawa mula ika-17 ng Hulyo hanggang ika-19, 2018.
Itinatagubilin namin kayo, mahal naming Sambayanan ng Diyos, sa maka-inang pamamatnubay ng babaeng pinagbilinan ni Hesus sa kanyang minamahal na alagad at nagsabing, “Babae, hayan ang anak mo!” (Jn 19:26). Kami, sa aming bahagi, ay lumalapit sa kanya – ang ating ina sa pananampalataya – ng may pagmamahal sa pagkakapatiran. Maria, Ina ng Simbahan, samahan mo kami lalo na sa mga panahon ng kawalan ng pag-asa at pagkaubos ng aming alak ng panampalataya, pag-asa at pag-ibig (Jn. 2:1-11). Turuan mo kaming sumunod lamang sa ipinag-uutos ng iyong Anak sa amin. At sa sandaling panghinaan kami ng loob dahil sa mga nararanasang pag-uusig, hayaan mong tumayo kami sa iyong tabi sa paanan ng krus at makasumpong kami ng lakas mula sa masaganang dugo at tubig na dumaloy mula sa tagiliran ng iyong minamahal na Anak, ang aming Panginoon at Tagapagligtas na si Hesukristo. AMEN.
Para sa Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas (CBCP),
Lubhang Kgg. Romulo G. Valles, D
Arsobispo ng Davao
Pangulo, CBCP
Hulyo 9, 2018