Mga minamahal na kapatid at kababayan sa Arkidiyosesis ng Manila,
Nagpapasalamat tayo sa Dios sa biyaya ng kalayaan. Ang tunay na kalayaan ay bahagi ng ganap na buhay na dulot ni Jesus (Juan 10:10). Salamat din sa pagpupunyagi ng mga dakilang Pilipino at Pilipina na nagpamana sa atin ng kalayaan. Subalit nakalulungkot tanggapin na laganap pa rin ang pagkaalipin sa bisyo, droga, korupsyon, kapangyarihan, pera, luho at karahasan. Marami pa rin ang inaalipin ng kahirapan, pagkagutom, pagsasamantala, takot at pagpatay. Bukod sa pagkitil ng buhay ng Ilan nating kababayan sa ibang bansa tulad ni Henry Acorda na pinaslang sa Slovakia, marami ring pinapaslang sa ating bansa – Wala nang pinipili -sanggol, kabataan, magulang, lola, pulis, sundalo at pari. Ang pinakahuling biktima ay si Fr. Richmond Nilo ng Cabanatuan at sana’y hindi na masundan. Tumatangis tayo para sa kanila, sa kanilang pamilya at sambayanan. Humihingi tayo ng katarungan para sa kanila. Huwad ang kalayaan kapag pinaglalaruan ang katarungan. Inuulit po natin: Taliwas sa kalooban ng Dios ang pagyurak sa buhay. Hindi solusyon ang pagpatay sa mga problemang personal at panlipunan.
Sa diwa ng Salita ng Dios at turo ng Simbahan nananawagan po ako sa inyo:
- Bilang isang sambayanan, humingi tayo ng patawad sa Dios sa mga kasalanan laban sa buhay. Sabayan natin ng gawaing magbibigay buhay ang paghingi ng patawad: pagdamay sa naulila, pagbabahagi ng pagkain, pakikiisa sa Pondo ng Pinoy atSanlakbay, paglahok sa Caritas, dialogo sa hindi Kristiyano o Katoliko at iba pang pagkakawanggawa. “Ipanalangin din ang mga umuusig, huwag silang isusumpa,” sabi ni San Pablo (Roma 12:14). Baka sa iyong pagsumpa sa kanila, matulad ka sa kanila at maging alipin nila.
- Kapag ikaw ay itinutulak ng galit, inggit, yabang at paghihiganti upang manakit ng kapwa-tao, huwag kang susunod. Kapag ikaw ay inuutusan o binabayaran na manakit o pumatay ng kapwa-tao, huwag kang susunod. Huwag kang magpapaalipin. Ang Pilipinong tunay na malaya ay hindi nagsasamantala, naninira at nambubusabos ng kapwa. Pinalaya na tayo ni Jesucristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sabi ni San Pablo sa taga-Roma 8:2. Huwag na tayong magpaalipin muli sa mga hangarin at silakbo na umuuwi sa kamatayan, ayon kay Apostol Santiago 1:15.
- Tinatawagan natin ang mga mambabatas at tagapangalaga ng kaayusan at katahimikan: bakit po napakaraming baril o sandata na nagkalat? Baka kailangan suriin ang mga batas at patakaran hinggil sa paggawa, pagbebenta, pagbili at pagmamayari ng baril. Huwag nawang dumating ang araw na mas madali pang bumili ng baril kaysa bigas.
- Ituloy po natin ang pagtunog ng kampana ng simbahan tuwing alas-8 ng gabi bilang pagalala at panalangin para sa mga namatay. Panawagan din ito sa mga pumatay na alalahanin ang kanilang ginawa at magbagong-buhay. Mag-alay po tayo ng misa ating mga parokya sa loob ng 9 na araw mula June 13 para sa mga pinaslang, lalo na sa mga pari dahil ngayon ay Year of the Clergy and Consecrated Persons.
Pagpalain po kayong lahat at ingatan ng Panginoon. Huwag tayong panghihinaan ng loob.
Kapiling natin si Maria, Ina ng mga Pilipino, sa tuwa, dalamhati at liwanag.
+Luis Antonio G. Cardinal Tagle
Arsobispo ng Maynila
11 June 2018