By Manila Today Staff – May 17, 2018
Apatnapu’t apat na manggagawa ng SLORD Development Corporation, tagamanupaktura ng mga produktong Uni-Pak, ang nawalan ng hanapbuhay noong Mayo 12.
Ibinaba sa kanila ang isang memorandum na pinapirma sa kanila noong Sabado, isang araw matapos maglunsad ng walkout ang mga manggagawa para sa naunang paabot hinggil sa compressed working work week.
Nitong Mayo 11 lang, pinaabutan ang mga myembro ng Samahang Manggagawa sa SLORD Development Corp. na malilimitahan na lang ang kanilang pasok sa tatlong araw mula sa anim. Imbes na Lunes hanggang Sabado, binago ng management ang kanilang iskedyul sa Lunes, Miyerkules, at Biyernes.
Bago ito, aktibo silang nangangampanya upang magkondukta ng inspeksyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagawaan sa paggigiit ng kanilang karapatang maging regular.
Ayon kay Gennalyn Agazon, manggagawa ng SLORD, itinanong niya sa supervisor kung para sa lahat ng manggagawa ba ang bagong iskedyul. Ang sagot umano ng supervisor ay hindi para sa lahat kundi para sa mga “lumaban” lang. Dagdag ni Agazon, sinabi ng management na dapat isang araw lang ang ititirang araw ng paggawa ngunit “naawa” lang umano sa kanila.
Hindi na sila pumasok sa trabaho at dumeretso sa DOLE upang magprotesta at maghain ng reklamo sa SLORD. Dahil sa pagliban sa trabaho noong Biyernes, nagpasya ang kumpanyang tanggalin ang lahat ng mga nagtungo sa DOLE.
Epekto sa pamilya
Karamihan ng mga manggagawa sa SLORD ay kababaihan at ‘breadwinner’ ng pamilya. Katulad ni Marianita Montero na may limang anak at wala nang asawa, pasan niya ang responsibilidad na tugunan ang pangangailangan ng mga bata.
“Dapat kung empleyado ka, priority ka [ng SLORD],” giit ni Montero.
Si Montero ay isang extra sa Warehouse Department na gumagampan ng maraming trabaho: tagatanggal ng kalawang sa lata, tagapinta ng mga latang may kalawang, sorting, at iba pa. Bilang manggagawang kontraktwal, sinususpinde sila ng kanyang mga kasama nang isa hanggang dalawang araw kapag hindi sila nakaabot sa kota para sa isang araw.
Pinakamarami rin sa natanggal na mga manggagawa ay mga extra. Nahahati ang mga manggagawa ng SLORD sa regular, regular extra, extra, at casual – depende sa sahod na tinatanggap, benepisyo (o kawalan nito), at bilang ng oras sa trabaho.
Dagdag pa ni Agazon, “’Yung trabaho namin ay ginagawa namin nang maayos, pero ‘yung pasahod nila ay hindi tama.”
Walang ibang ipinaglalaban kundi karapatan
Tinitignan ng mga manggagawa ng SLORD Development Corp. ang kanilang pagtanggal bilang kapareho ng union busting, o sistematikong pagbugwag ng unyon sa pagawaan maiwasan ng management ang mga pananagutan niya rito. Mula noong nabuo ang Samahang Manggagawa sa SLORD Development Corp., nakaranas na ang kababaihan ng panghaharas at pagbabanta mula sa management hanggang sa tuluyan na silang itinanggal sa trabaho.
Sa mga batas na nagpapahintulot ng kontraktwalisasyon sa Pilipinas, bukod sa ipinagbabawal ang pag-uunyon ay wala ring kapasidad ang mga manggagawang umugnay sa management; maglunsad ng welga; magtamasa ng maayos sa sahod at benepisyo; kumuha ng maternity o paid leave; at masiguro ang kaligtasan sa paggawa.
Dinadaing rin ng iba’t ibang grupo ang piniramahan ni Pangulong Duterte na Executive Order N0. 51 noong Mayo 1 dahil lalo raw lamang nitong paparamihin ang retrenchment, re-alignment, at re-hiring ng mga manggagawa sa pamamagitan ng third-party contracting agencies.
“Hindi tama ang pagtanggal sa aming mga manggagawa dahil wala namang mabigat na dahilan. Ang dahilan lang po ay ipinaglaban namin ang aming karapatan upang makamit namin ang tamang sahod na maging minimum at magkaroon ng benepisyo,” ani Adoracion Bartolome, isang filler sa kumpanya.
Bagama’t nawalan ng trabaho, nananatiling palaban ang mga manggagawa ng SLORD Development Corp. “’Wag tayong susuko, mga kasama. Lalaban tayo,” ani Norinda Nacinopa, pangulo ng Samahang Manggagawa sa SLORD Development Corp.